
ANG ORDINARYO AT EXTRAORDINARYO SA PAMILYA ORDINARYO
Rolando Tolentino
Madaling akusahan ang Pamilya Ordinaryo na poverty porn dahil sa subalternong tauhang namumuhay at nakatira sa lansangan ng syudad, kwento ng walang pinag-aralang mahilig mag-selfie at mag-text (gaya rin ng may pinag-aralan), nag-aanak nang gayon na lang, madaling magtiwala, nanakawan ng sanggol, nag-kidnap ng sanggol, isang pelikula ng laglagan ng mga naglaglag sa mundong ibabaw. Pati ang filmikong stilo ng poverty porn ay nasa Pamilya Ordinaryo rin: magalaw na tumututok ang kamera sa pagkilos ng mga tauhan, nakababad sa mga eksena, walang redempsyon ang mga tauhan sa kanilang kinasadlakan at kahirapan.
Ito ang ordinary sa Pamilya Ordinaryo, utlad ng mga matingkad na halimbawa ng ganitong subgenre ng melodrama sa indie cinema sa bansa – Ma’ Rosa (2016), Amok (2011) Kinatay (2009), Tribu (2007), at iba pa – ay nag-oosa ang fulcrum g naratibo: isang problemang personal na may panlipunang dimension, paggalugad sa kaibuturan ng espasyo’t panahon ng sandali, at pagtatapos na wala naming malinaw na resolusyon. Kumbaga sa panitikan, tradisyong natural realism ito, ang pagbabad sa pagligid bilang pagtunghay sa unti-unting pagkasadlak ng panahon ng mga tao’t kaganapan.
Ang extraordinaryo sa Pamilya Ordinaryo ay nasa tipping point ito ng panibagong direksyon ng ito ngang matagumpay na paghirap sa stilong natural realism, at ang naging muhon nito sa indie cinema, ang local na neorealismo. Halaw sa Italian neorealism – at sa hindi pa mauunawaan ay kung paano ito nakapasok sa indie cinema – ang local na neorealismo ay patungkol sa ordinaryong buhay ng ordinaryong mamamayan, ng pagtungo sa madidilim at malalalim na kaibuturan ng kanilang kailangang gampanana, naka-set sa ordinaryong kalsada’t syudad, sila ang magpupursigi pero madalas talunan pero hindi lubos.
A-day-in-the-life of, slice-of-life, limitado ang panahon ng kaganapan, at sa pagtatapos – dahil sa bigat ng historical na pagkasadlak (isang extraordinaryong hadlang)—kahit ano ang gawin ng ordinaryong tao, walang katubusan. Walang dramatikong pagbabago sa gawi ng mga tauhan, may dagdag lang na uukilkil sa kamalayan ng mga tauhan.
Para umigpaw sa poverty porn na pinaghahalawan ng maraming neorealismo at indie films, kailangan ng experimentasyon sa naratibo lampas sa inaasahang kasadlakan sa kawalan (nganga mode) ng mga tauhan na may historical na mayoryang kahalintulad. Kumbaga sa filmikong stilo nina Brocka at Bernal, amay dramatikong pusta (dramatic wager) para sa maipagpatuloy ang panlipunang dimension – lampas sa normatibong walang redempsyon ang tauhan (bilang anti-tesis na rin sa Hollywood films).
Hindi ba ang karakter ni Phillip Salvador sa Jaguar (1979) ay nagtangkang tumakas mula sa sona ng pulis sa komunidad ng maralitang tagalunsod para lang mapahinto sa gitna ng Smokey Mountain, ang tambakan ng basura? Simbolikal ang nakakamit dahil may pag-ugnay ang pagkakubkob ng pwersa ng naghaharing uri sa pagnanasa na ata pagkilos para makatakas nag sekyu? Sa kasalukuyan, literal ang nakakamit sa pagwawakas ng pelikula dahil tila walang ibang pakahulugan kundi pagkatalo at lalo pang pagkasadlak sa pamamagitan ng pagkatanggap nitong pagkatalo.
Sila ang talunan na tauhan ay nagsisimula nang tangapin ang kanilang pagkatalo?! Anong reaksyonaryong tindig ito? Nagapos ang Pamilya Ordinaryo sa pagtakas sa mga tumutugis ng mag-asawang Aries at Jane, nakatayo sila sa bus, pabyahe sa kanilang tirahan sa lansangan sa syudad. At tulad ng gawi, mabubuhay sa syudad sa lumpen proletaryong gawain sa susunod pang mga araw, sa hinaharap, at malamang mamatay na lang sa lansangan sa syudad.
Ang nakamit ng direktor si Eduardo Roy, Jr. sa pelikula ay masinsing tahiin ang mga elemento ng pelikula na nagdulot ng dagdag pa at bumibigat na tensyon sa naratibong pakikibaka ng mga tauhan. Matibay na napanghawakan niya ang mga pangunahing actor, sina Hasmine Khillip at Ronwaldo Martin sa pagganap ng ordinaryong buhay na naistorbo ng extraordinaryong kaganapan. Lubog ang dalawang actor sa kanilang realidad at sa diegesis ng peliikula. Exemplaryo rin ang editing, production design, sound, at sinematograpiya ng Pamilya Ordinaryo.
Pagkatapos ng Pamilya Ordinaryo, pause muna tayo sa neorealismo ng kahirapan sa indie cinema, ha? Kailangan ng bago kahit pa may ilan pa ring poverty porn na ganap sa talunan sa pagtatapos ng mga pelikula noong 2016. Kailangang siyasatin ang estetika ng natural realism at paano ito pipihitin para may higit na pwersa sa panlipunan– hindi na lamang antas na minor epiphany ng tauhan– kahit sa tungo sa simbolikong antas.
Kailangang higit na buksan ang pagwawakas ng pelikula na may kakayahang isadkdal ang lipunang nagsakdal at nagsadlak sa mga tauhan. Sa Serbis (2008), nagwakas ang pelikula sap ag-alis ng tauhan sa sinehan ng kannyang mundo at mundo ng pelikula, na ang huling imahen ay ang lalaking umaalis at ang nasa background ay sign na Family na ngalan ng sinehan. O sa Kinatay, matapos makasaksi ng krimen ng isang magpupulis, pumara ito ng taxi kinaumagahan sa gitna ng traffic sa EDSA, na-flat ang taxi, at nakatulog ang tauhan sa gitna ng nagpapatuloy pang mundo.
Sa ganito, nababasa ang pelikula bilang pambansang alegorya o may komentaryong panlipunan at historical tungkol sa kaganapan sa kasalukuyan sa bansa. May pagtinding hindi sa natural na pagdaloy ng kahirapan at ng realisasyon nito sa buhay ng mahihirap kundi sa maaring kontraryong pagmumundo ng karanasan sa pagdanas lampas sa pagkakulong ng talunan sa pagwawakas ng social drama films. Sa madaling salita, kailangan ng reflexivity sa ganitong klaseng pelikuka– sa sinasabi ng pelikula, may mas sinasabi ito sa hindi nito sinasabi (at matutunghayan nga lang ito kung may iba hindi sinasabing inilalahad din sa pelikula).
Hindi ba inklusibo ang pagtunghay sa titulo ng Pamilya Ordinaryo na lampas sa aktwalisasyon sa dalawang tauhan? Alegorikal ang tangka sa lagay ng bansa, pero susi rin sa filmmaker-as-intellectual ay maglatag ng ibang pagkaunawa sa aktwal na danas sa pagkabansa – ang pagiging etsapwera at talunan. Kaya may ngalay at umay rin ang neorealistang pelikula ay dahil hindi nga binabago ang formularyo ng pagtunghay, lalo pang kontradiktoryo sa nagtatangkang maging pambansang alegorya.
Excited akong nanood ng Pamilya Ordinaryo pero mas excited akong abangan ang susunod na experimentasyon at direksyo ng neorealistang indie pelikula, at sana ay kasama rin siya sa pagtahak ng susunod nitong lohikal na tunguhin, ang pagpapalawig ng politikal (kontraryo) sa limitasyong kinasadlakan at kinassasadlakan ng neorealistang pelikula.
ANG DESTINASYON NG KARANIWANG TAO SA MALUPIT NA LUNSOD
Benilda Santos
Sa pelikulang Pamilya Ordinaryo, itinanghal ni Direkto Eduardo Roy, Jr. ang isang namamayaning aksyon o tagpo– ang pagtangay ng iang bakla sa isang buwang supling nina Jane (Hasmine Kilip) at Aries (Ronwaldo Martin) samantalang namimili ang una sa isang tindahan– upanng dito ipailalim ang dramatisasyon ng isang istruktura ng buhay sa lunsod, at sa ganitong paraan, maisiwalat din sa pamamagitan ng naratibo ng buhay ng dalawang pangunahing tauhan, mga karaniwang tinedyer nagsasama bilang mag-asawa– iyang sistematiko at malupit na dehumanisasyon ng ordinaryong tao sa pang-araw-araw na buhay sa mga bangkay.
Sa minimalista, pragmatiko, at sensitibong direksyon ni Roy, at sa husay ng orkestrasyon ng pag-arte ng pareha nina Kilip at Martin, at maging ng bawat isa sa nalalabing cast, at sa matalas na istratehiya ng pagpapalit-palit ng idyoma, tono at tinig ng mga tauhan, naitawid sa manonood nang maluwag at walang munti mang kabawasan, ang realismong may pintig ng tunay na buhay at nang walang garalgal ng eksaherasyon. Nariyan, halimbawa, ang buo, mariin at malakas na tinig ni Jane na malaking bahagi ng kanyang karakterisasyon at nagpatingkad sa kanyang musmos man ay matiim din at ganap na malasak at dinadalang buhay sa kanyang sinapupunan. Tinatapatan naman ito ng mahinahon at mapagpaunang pagtugon-tugon ni Aries na wari unti-unti na ring pumapaloob sa papel ng pagiging ama bagaman malinaw na malinaw pa rin ang kanyang kaba at alinlangan sa kanyang pagsulyap-sulyap kay Jane at sa madaling pagbaba ng kanyang tingin.
Ang diyalogo naman ay mabilis, kapana-panabik sa salimbayan ng iba’t ibang tinig, at sa pamamagitan ng makabuluhang pag-uulit, ang komunikasyon ay nakaaagaw-atensyon tulad sa teatro. Idagdag pa rito ang maiikling linya ng mga saglit lamang ang presensiya sa pelikula subalit nakapagpayabong at nakapagpapaliksi ng pag-unlad ng tema ng buong pelikula. May kontrapunto rin ang nilalaman ng diyalogo kahit pa nga hindi magkasunod ang “sagutan” ng linya ng mga tauhan. Halimbawa, nang malaman ng in ani Jane na nawawala ang sanggol, wika niya nang wari nakakagat ng ampalaya,” Mayaman lang naman ang kayang bumili ng tao.” Samantala, sa nauunang eksena, nang sumugod si Jane sa presinto upang alamin kung may anumang balita na may kaugnayan sa baby snatching, tinanong siya ng manyakis na pulis, “Sino nakauna sa ‘yo?” At tila hindi pa sapat ito, sinundan ng, “Pakita mo nga kung pa’no mo pinapasuso baby mo.” (Sarap lang ipatapon sa lungga ng Maute brothers!)
Sa kabila ng lahat ng ito, hindi man lamang natinag ang pasiya ni Jane na tuntunin ang kanyang sanggol sapagkat dala nito ang mismong identipikasyon ng ina– ni Jane. Ibig sabihin, ang pagsilang ni Arjan ay nagdulot ng makahulugan at makabuluhang nilalaman sa buhay ng batang-batang ina. Pinatatag ng sanggol ang identidad ng ina: Jane, Ina ni Arjan. Bukod sa sarili nito, may sanggol na nakapagpapatunay ng katiyakan ng kanyang pag-iral. Nagyon, nang walang inuusal na anumang salita, kung karga lamang niya si Arjan sa bawat sandal at hindi tinangay at ginawang commodity, wala nang iba pang identipikasyong mahihingi si Jane. Subalit hindi iyon ang kanyang kapalaran. Tataglayin niya ang kawalan sa matagal na panahon.
PAMILYA ORDINARYO (2016) Direction and Screenplay EDUARDO ROY JR; Production Design HARLEY ALCASID; Cinematography ALBERT BANZON; Editing CARLO FRANCISCO MANATAD; Music ERWIN FAJARDO; Sound IMMANUEL VERONA, MICHAEL IDIOMA; Cast: RONWALDO MARTIN (Amid), HASMINE KILLIP (Jane); MOIRA LANG Produced by CINEMALAYA; Executive Producer ALMOND DERLA; Color/ Running Time 1:47
Back to MPP Reviews 4