Imbisibol

PANDARAYUHAN NG MGA TAONG MAWALA-LUMITAW

BIENVENIDO LUMBERA

Imbisibol ang pamagat ng pelikula ni Lawrence Fajardo. Aakalain natin na isang salaysay sa komiks ang nilalaman nito, magaang naratibo tungkol sa pakikipagsapalaran ng mga tauhang mawala-lumitaw, parang magic. Pero, kung panonoorin ang likha ni Fajardo, mahaharap tayo sa mga taong nagghahanap-buhay sa ibang kultura upang kumite ng perang maipapadala sa gipit na pamilya. Hindi kababalaghan na sila’y mawala-lumitaw, tulak sila ng illegal na pandarayuhan bilang OFW sa Japan kaya’t nabubuhay sila na hindi “nakikita” dahil ayaw nilang magpakita sa mga tauhan ng Immigration.

Japan ang bayang tagpuan ng salaysay. Sa gitna ng taglamig, halos matabunan ng niyebe ang lugar. Ang lamig ng klima ay sagabal sa ugnayan ng mga residente kaya’t mahalaga na ang isang tao ay masisilungang tirahan na may init na pamawi ng ginaw. Ang salaysay ay tungkol sa mga OFW na Filipino at ang mga tiisin na kanilang dinaranas upang magkasuweldong maibabahagi sa pamilyang iniwan sa Pilipinas.

Si Linda (Ces Quesada) ay may asawang Hapon na salary-man. Alam ni Kasuya ang nagpapatira ng mga illegal na kababayan sa apartment na pag-aari nila at tutol siya sa ginagawa ng asawa. Inatasan niya si Linda na palipatin ng tirahan ang illegal na kababayan nito. Subalit malambot ang puso ni Linda at hindi niya magawa ang atas ng asawa.

Tatlong tauhan ang nasa polus ng naratibo. Si Benjie (Bernardo Bernardo) ay matagal nang nainirahan sa Japan, may edad na at madaling mapagod kaya’t makailang beses nang nahuli ng kanyang superbisor na nakakatulog sa oras ng trabaho. Gusto na niyang bumalik sa Pilipinas. Si Manuel (Allen Dizon) naman ay walang permanenting trabaho bukod sa pagpukaw ng libog sa mga babaeng nangangailangan ng kanyang serbisyo. Lagi na lamang siyang nangungutang sa mga kakilala at kaibigan upang maatugunan ang pangangailangan ng mga kapatid sa Pilipinas. Ang pinakabata sa mga Filipino ay si Rodel (J.M. De Guzman). Bagong salta siya sa Japan, may asawa at anak na iniwan sa Pilipinas, at kailangan ng sustento ang kanyang pamilya. Masigasig sa kanyang trabaho at masikap. Pinag-initan siya ng katrabahong Filipino na nakaramdam na nalaluan siya ni Rodel sa sinop sa kanilang trabaho. Inaway siya nito at di sinasadya’y napatay ito ni Rodel.

Director si Fajardo na mabusisi ang kamera sa pamimili ng detalye sa pook na pinangyayarihan ng eksena. Mainam niyang napalilitaw ang linggal at ingay sa mga tagpo upang ang realidad ng pook ay maikintal sa manonood. Sa mga eksena ng pagtatangka ni Rodel na takas an ang mga pulis na nagsisiyasat sa pagkamatay ng kanyang nakaaway, binulabog ni Fajardo ang apartment ni Linda upang pinukaw tayo sa panic ni Rodel. Pagkatapos, sinundan niya ang pagtakbo ni Rodel sa tambak-tambak na niyebe na nalulusaw sa bagsak ng mga pang tumatakas. Sa pagsasara ng pelikulan, naiiwan sa atin ang malumbay na larawan ng isang pagtakas na walang mararating.

Ang production design ng Imbisibol ay malaking bahagi ng bisa ng pelikula. Ang kaparangang nalalatagan ng makapal na niyebe ay tanawing kaakit-akit at tanawin ding nagbabanta ng sakuna. Wari baga, sinasabi ng disenyo na ito ang Japan na may ipinangangakong maginhawang buhay, pero ito rin ang lipunang kultura ay may mga batas na hindi matatakasan.

Karagdagang birtud ng Imbisibol ang sinematograpiya na epektibong kaagapay ng production design sa pagpapahiwatig ng gipit na buhay sa lunang ito ng Japan. Ang pangangalaga sa matingkad na sound sa mga eksena sa shop na pinagtatrabahunan ng mga OFW ay paalaala na ang mga Filipinong narito ay nangibang-bayan hindi para magpasarap sa buhay kundi para humanap ng ikabubuhay. Kakaibang timmpi ang pinairal ni Fajardo sa paglalarawan sa karanasan ng kanyang mga tauhan sa Japan. Iniiwan tayo ng Imbisibol na may bikig sa puso, ramdam natin ang malungkot na buhay ng mga tauhan, subalit ayaw ni Fajardong paluhain tayo.

IMBISIBOL (2015) Direction LAWRENCE FAJARDO; Screenplay HERLYN GAIL ALEGRE, JOHN PAUL BEDIA; Production Design LAWRENCE FAJARDO, ROLAND INOCENCIO; Cinematography BOY YNIGUEZ; Editing LAWRENCE FAJARDO; Cast CES QUESADA (Linda), ALLEN DIZON (Manuel), JM DE GUZMAN (Rodel), BERNARDO BERNARDO (Benjie), RICKY DAVAO, JC SANTOS, ONLY TORRES, MAILES KANAPI;  Produced by SINAG MAYNILA, SOLAR ENTERTAINMENT CORP., CENTER STAGE PRODUCTIONS ; Color/Running Time 2:12

Back to MPP Reviews 5

%d bloggers like this: