Huwebes Huwebes

Ang lumulutang na isla, nakaangkla sa bansa

Rolando B. Tolentino

By all indications sa 2019, on a roll pa rin ang pelikulang Sebuano, Bisaya at Binisaya. Noong nakaraang taon, nominado sa pinakamahusay na pelikula ang A Short History of a Few Bad Things (Keith Deligero, direktor, 2018). Ang unang rehiyonal na sinema na ginawaran ng Manunuri ng Pelikulang Pilipino ng pinakamahusay na pelikula ay ang pelikulang Sebuano Ang Damgo ni Eleuteria (Remton Siega Zuasola, direktor, 2009). Nominado sa Gawad Urian ang isa na namang pelikulang Sebuano Huwebes Huwebes, ang omnibus film tungkol sa tatlong mangingisda o kalalakihan, ang kanilang kolektibong buhay na nakaugat sa dagat kahit pa naiipit sa magkakaibang saga ng pamilya, lipunan at politikal na mga isyu.

Walang bravura o high dramatic points ang Huwebes Huwebes pati ang staging ng mga pagpatay at extrajudicial killing sa war on drugs. In fact, tila mini-mimic nito ang island life sa panahon at espasyo ng pelikula. Ito iyong parang walang nangyayari, mga pang-araw-araw na eksena, tunog at musika ng buhay ang fokus ng atensyon, mga usap at sandali na hindi naman talaga marubdob. Pero deseptibo ito dahil nasa hindi sinasabi at ipinapakita ang tunay na drama at mensahe ng pelikula.

Kumplikado ang mga pangunahing karakter at ang kanilang pagkasadlak sa buhay. “Extraordinaryong ordinaryo” dahil ang kanilang pipiliin ay ang pakikitunggali at pakikidigma laban sa mga pwersang kanilang kinahaharap. Kumplikado sila dahil pinili nila ang mga material at existensyal na isyu na kaharapin kahit na sila nakatira sa tila lumulutang na isla. Ang kanilang buhay at panlipunang relasyon ang hindi nagpapaanod at nagpapalunod sa isla. Ito ang matibay na ugnay na ang kanilang mga buhay at kapamaraanan sa buhay—mga subalternong kalalakihan (hmm, wala bang babaeng mangingisda?)—ay hindi hiwalay sa buhay at kapamaraanan sa buhay ng mga mamamayan sa bansa.

Ang kagandahan ng pelikula ay kung paano ang tatlong direktor ay humabi ng magkakahalintulad at magkakaibang kwento ng tatlong mangingisda, ang pakikidigma ng mga ito sa kanilang maliliit na spero ng mundo, ang pagpupursigi para sa kabuhayan at mabuting buhay. Ang kaligiran at kapaligrian ng mga eksena sa pelikula ay nagpapahiwatig ng hindi “making do” sa mga sitwasyon kanilang kinikilusan kundi ng aktibong pakikitunggali sa ritmong ipinapadanas ng kolektibong buhay. Halimbawa sa eksena ng dalawang lalaking tumatagay ng tuba sa galon sa dalampasigan, may nakatirik na wumawagayway na bandila sa kawayan, ang pinag-uusapan nila sa kontexto ng usapang lasing ay ang malalaking problema ng bansa at ang unibersalidad ng alaala at sangkatauhan.

Lumalabas ang anxiedad sa kasalukuyang sandali dahil sa pagbanggit ng napapanahon na isyu ng pagdanas ng awtoridad sa hanay ng nasa ibaba—ang koneksyon ng awtoritarianiso ng nasa itaas sa pang-araw-araw na buhay at pagkabawas sa kalidad ng buhay ng mga nasa ibaba, ang connectivity, relasyon at efektong karahasan, machismo at patriyarka, war on drugs at kawalan-magawa kundi ulitin ang sikliko ng karahasan na may kaakibat na mga existensyal na isyung dulot, tulad ng gunita, alaala, paglimot, pagkatao, selektibong pagmamahal at napakamurang halaga ng buhay.

Sa tatlong kwento at sa buong pelikula, walang movement, walang moving on kahit aktibo ang mga karakter na baguhin ang kanilang tadhana at kinasadlakan. Tulad ng lumulutang na isla, nakaangkla ito sa mismong kapalaran ng mga tauhang nakaangkla sa historikal na kapalaran, karahasan at pighati ng bansa. Ang bansa ang impetus kung bakit ang karahasan at anxiedad ay bahagi ng pang-araw-araw na buhay. Ito ang metanaratibo kung bakit kahit anong pagpupursigi lalong bumibigat ang pagkasadlak at kapalaran ng mga karaketer sa Huwebes Huwebes o kung bakit ang karahasan ay sanhi at rekurso ng parehong mayroon at walang kapangyarihan.

Lumabas na kumplikado ang mga buhay ng karakter, may organikong patotoo ang paglulunan at pagpapanahon sa kanila sa mga eksena at tagpuan ng pang-araw-araw: ang convenience store na retail service na hapit sa multinasyonalismo, ang cliché na xeroxing ng Pieta scene na naging ikonikong imahe ng karahasan at biktimisasyon sa Oplan Tokhang, ang cell phone na akses sa labas ng mundo ng nagkulong na estranghero at bulag, mga iligal na aktibibidad malalaki at maliliit na pawang nakaimprenta sa genetics ng mga karakter at maaninag sa proyekto ng komplexifikasyon at hindi simplifikasyon ng mga sabalternong buhay sa maliit na isla sa liblib na bahagi ng bansa at mundo.

Nagpapaalaala sa akin ang pelikula sa matulaing akda ni Antonio Benitez Rojo, The Repeating Island: Caribbean and the Postmodern Perspective (1996) na nagsasanib sa mga mito at katotohanan ng kolonialismo sa isang lugar na tadtad ng isla at higit pang pinaghihiwalay ng dagat at kasaysayan ng kolonialismo. Para itong archipelagic space ng Filipinas: nakatira tayo sa mga isla—o mga buhaybuhay–na tila walang kaugnayan at kabuluhan sa isa’t isa, walang natatanaw na dagat at kabundukan (at least kung nasa Metro Manila) na simptomatiko kung paano tayo pinaghihiwalay ng kasaysayan ng kolonialismo at imperialismo kahit na sa ating modernong buhay, kung paano ang kawalan ng kolektibong alaala sa trauma ng kolonialismo, imperialismo at awtoritarianismo ay kay daling maulit.

Ito ang hamig sa akin ng Huwebes Huwebes, mabigat, marubdob at matulain ang katahimikan at hindi nito sinasaad dahil ang kumplikadong buhay ng mga abang karakter sa liblib na lumulutang na isla ay parang salamin ng ating sariling buhay sa pagkakadena sa bansa sa karahasan ng kolonialismo, imperialismo, fasismo at resultang paigting na korapsyon, kawalan-bahala sa mayoryang mahihirap, at literal at epistemikong karahasan at pagkamangmang. Ito ang lokasyon ng dislokasyon at ang dislokasyon ng lokasyon sa pagiging mamamayan ng bansang ito.

HUWEBES HUWEBES (2019) Direction and Screenplay: Don Gerardo Frasco, Kristoffer Villarino, Januar Yap. Editing: Kristoffer Villarino, Don Gerardo Frasco, Idden de los Reyes. Cinematography: Don Gerardo Frasco, Dwight Handro Buot, Idden de los Reyes. Production Design: Denzel Yorong, Pauline Olarte. Sound: Vanya Versushka Fantonial, Karl Lucente. Cast: Fritz Nino Pilones, Noel John Noval etal.

Back to MPP Reviews

%d bloggers like this: