Honor Thy Father

ANG PINOY HEIST FILM SA HONOR THY FATHER

Rolando B. Tolentino

Ang heist film ay ang pagplano, paggawa at kinalabasan ng kalunos lunos pero henyong krimen ng abang uri o trahedyang bayani dahil nawalan na ito ng rekurso sa kanyang kinasasadlakan. Kaiba sa pelikulang bakbakan, ang grabidad ng naratibo ay tungo sa iisang krimen sa heist film. Kaya natatangi ang Honor Thy Father sa pagtatampok sa heist film bilang idioma ng pelikula at sityo ng pambansang pelikula.

Ang produktibong kaganapan sa Honor Thy Father ay ibuyanyang ang kontexto ng pagkasaadlak sa postdevelopment na sandal ng paglikha ng kita at akumulasyong kapital sa bansa: ang dobleng panganibb at pagsasanib ng megachurch o populistang simbahang may porsyento ng kita sa kanyang kasapian, at pyramiding scheme na siyang mabilisang nagpapayaman sa iilan at nagpapabagsak sa nakakarami. Hindi nga ba’t criminal act din ang mga ito?     

Ang motibasyon ay pangarap at debosyon: nangangarap ng mabilisang kita at mabilisang katubusan sa mga suliranin at ang debosyon biilang pangunahing sangkap ng pananalig na magtatagumpay – kahit na sagad-sagarang hindi – sa material at spiritwal na kahilingan at predikamento. Ito ang makabuluhang naihayag ng pelikula, kaya kung makakapit na lamang ang mga pangunahing tauhan sa kanilang pananalig ay reversely proportionate sa lalim ng kanilang pagkasadlak sa lipunan.

At ang lahat ng naganap sa mga tauhan ay sa isang iglap lamang: umalagwa, sumadsad, nagnanakaw, pumapatay, handing mamatay pero lahat ay walang lubos na pagtakas o pag-igpaw sa abang kalagayan. Moralistiko ang heist film dahil kahit nagtagumpay ang pangunahing tauhan sa kayang pagligtas sa kinidnap na asawa ay nakapatay naman ito, at kung gayon, hindi lubos ang pagbabalik ng kung ano ang nararapat na sa kanya. Maging ang inaakalang tagumpay ng nagtangka ay limitado sa pamandali lamang, hindi lubos.

Ang pelikula ang shining jewel (dapat) sa 2015 Metro Manila Film Festival (MMFF). Tunay na “agos sa disyerto” (ang literary movement ng 1960s laban sa pulp fiction at literature namamayani sa panahong ito) sa regular na mantra sa kita ng MMFF, at nakakagulat pa nga na kasama ang Honor Thy Father sa major festival kumpara sa mga isinaksak na indie films sa new wave competition.

Nagkaroon ang manonood ng kumpyansang naglaho rin bigla na pwede pang tumino ang MMFF, na ‘ganito’ dapat na mga pelikula kaysa sa hypercommercial franchise movies kundi man casting sa matagal nang panahon. Aano ng aba ang MMFF kung walang kontrobersiya, na tumutukoy sa kaprisiyosong politika sa pamamalakad nito?

Ang nagpapaangat ng pelikula ay  ang director nito si Erik Matti na malinaw ang trajektori ng artistikong disenyo: kalkuladong paglalahad ng kontexto at pihit (twist) kete pihit sa kwento sa isang banda, at ang unti-unting paglubog ng mga karakter at ang purposibong pag-angat ng bayani, pati ang posibilidad at imposibilidad ng krimen.

Si Matti ang tunay nakakabaybay sa dalawang ilog na lengwahe ng indie cinema para sa mainstream audience, na ang hindi magawa ng indie directors ay nagagawa niya in terms of audience building, at ang hindi nagagawa ng mainstream directors ay nagagawa niya in terms of cinematic at social substance.

Panalo rin ang ensemble acting lalo na sa partikularisasyon ng sariling sayad sa predikamento ng kinasasadlakan ng pangunahing tauhan, pero sana ay mas may buhos pa sa cinematography, production design, sound at music. Ang limitasyon ay makikita sa budget, pero tikom pa rin dahil nga nakapaloob sa buong artistikong bisyon ni Matti. Soulful ang sandal ng musical na rendisyon ng “Ama Namin” ni Dong Abay na nagpatingkad ng kontradiksyon ng mga dating pinainiwalaan at antitetikal na rekurso sa hinaharap.

Maganda ang tangka at kabuuang epekto ng pelikula pero may maliliit na sablay sa kwento at hindi masinsin ang pagmapa ng lokasyon ng eksena (Baguio, Bontoc, Abra, Pampanga, etc.), pati ang mga detalye sa script. Ang alam ko, halimbawa, sa sobrang init sa minahan ay naka-brief lang ang mga minero, o bumabagyo na’t lampas estero na ang underground na lagusan papuntang simbahan pero nakapasok pa rin ang magkakapatid, o bakit mismong mag-asawang politico ang ki-kidnap sa bata’t magpapatubos sa asawa, wala ba silang henchmen?

Ang heist film ang rekurso ng “mainstream indie” cinema para maglahad ng dystopic post-apocalyptic scenario ng lipunang Pilipino, na wala nang rekurso ang ordinarong mamayan sa kanilang kinasasadlakan kundi talunin ang sistemang lumilipol sa kanila. Nauna na rito ang Metro Manila (Sean Ellis, UK, 2013) at saa kahalintulad na lawig, ang On the Job (Matti, 2013). Sa mainstream indie–likha man ng studio o ang namamayaning kalakaran sa indie filmmaking–ang pagkasadlak ay walang rekurso kundi ang muling pagpatuloy, na nakapaloob sa local na pagkalapat ng neorealismo sa pelikula.

Ang nawala sa mainstream indie cinema ay ang grand dramatic narrative design, tulad ng mala-epikong saga ng mga tauhan sa pelikula ni Lino Brocka at ensemble cast sa pelikula ni Ismael Bernal. May gratifying takeaway sa mga pelikula dahil may dramatic wager na isinagawa ang mga direktor na ito, at maligayang lalabas ang manonood sa sinehan kahit pa kalunoslunos ang naganap sa tauhan at ensemble dahil may monumental feel ang naratibo at ang panonood nito. Windang (blown away) ang afekto ng panonood ng mga ganitong pelikula.

Tila sa iilang pelikula ni Brillante Mendoza at ang slow cinema ni Lav Diaz nananatili ito, at ngayon nga sa mediasyon ni Matti sa komersyal at indie sa kanyang kasalukuyang pelikula. Ang drawback lang ng heist film ay patriarchal pa rin ito, tulad ng film noir, hanggang hindi narereimbento, at tulad ng minumungkahi ng titulo, lalaki ang hari dahil sa kanya ang ari. Aksesoryang pabigat, gabay o impetus lang ang mga kababaihan sa pelikula.

Lalabas ang manonood ng Honor Thy Father na ambivalent sa kinasanayang dialectic ng Mabuti at masama, ng matwid at dapat, at kung dahil lang dito at hindi telefantasyang formulasyon ng pag-ibig, may hugot man o wala, nawindang na rin ang manonood sa etikong dilemma na sinasambit sa pelikula. Dagdag pa rito, naging sentral ang pelikula sa protesta sa namamayaning MMFF sa partikular, at isang testimonya sa pangkalahatan ng protesta sa studio films, mga realidad ng bansa, ng kabiguan sa mga pambansang pamumunan, kay Benigno Aquino Jr. bilang lokus sa panahon ng pagpapalabas ng pelkula, at ang probabilidad na same-same pa rin pagkatapos ng eleksyon sa Mayo 2016, o may ibang tatahakin ang mapipiling pamunuan

Tama ang sabi sa pangunahing actor si John Lloyd Cruz, “Filipinos deserve a better nation,” at paratihang ipapahiwatig ito sa makabuluhang sining at pelikula, pati ang pangangailangan ng mas matinong festival, kalakaran at aksesibilidad sa panonood at pagtangkilik ng pelikula.

HONOR THY FATHER (2015) Direction ERIK MATTI; Screenplay MICHIKO YAMAMOTO; Production Design ERICSON NAVARRO; Cinematography BER CRUZ; Editing JAY HALILI; Music ERWIN ROMULO; Sound MIKKO QUIZON; Cast JOHN LLOYD CRUZ (Edgar), MERYLL SORIANO (Kaye), DAN FERNANDEZ, TIRSO CRUZ III (Yeshua leader), PERLA BAUTISTA, YAYO AGUILA, KHALIL RAMOS, WILLIAM MARTINEZ, LANDER VERA-PEREZ, BOOM LABRUSCA; Produced by REALITY ENTERTAINMENT; Color/Runnng Time 1:55

Back to MPP Reviews 5

%d bloggers like this: