Hayop Ka! The Nimfa Dimaano Story (2020), dir. Avid Liongren
Ang Yugto ng Filipino sa Animation
Rolando B. Tolentino
1891 at 1895 sinasabing naimbento ang pelikula at projector na magpapalabas ng mga rolyo sa isang publikong nakaupo sa sinehan pero 1919 lalabas ang unang pelikulang Filipino, Dalagang Bukid (Luis Nepomuceno) na halaw sa popular na dula at pinagbidahan ng reyna ng sarsuela, Atang dela Rama. Matagal pero nang pumasok ang unang pelikulang Filipino, humapit ito agad sa mga manonood. At pagdating ng 1930s, malinaw na matagumpay na ang industriya ng pelikula sa bansa kahit pa umangkat ito sa studio system ng Hollywood bilang modelo ng produksyon, at dahil ang mga pelikulang Tagalog ay tinatangkilik na ng manonood sa buong kapuluan. Tinatangkilik ng manonood ang sine dahil ito ay naglalaman ng kwentong atin. Ang mga kwento sa pelikula noon ay tumatalakay sa mga kwentong pinagdadaanan ng mga Filipino sa ilalim ng Amerikanong kolonialismo.
Matapos ng manaka-nakang experimentasyon sa full-length animation pati ang mahalagang animation ukol sa mga konsern ng nag-iibigang kabataang gitnang uri sa Saving Sally (2016) ni Avid Liongoren, masasabing naigpawan na ng animation ang pagiging dayuhan ng mga naunang feature film na tangka nito kahit pa ukol sa kasaysayan o ang komiks at FPJ na Panday ang ilan sa mga naging paksa ng mga ito, at nag-come of age na ang animation sa pelikulang Filipino sa Hayop Ka: The Nimfa Dimaano Story. Una na itong ginawa ng short film na animation noon pang umalagwa ang alternative Philippine cinema ng 1970s at 80s na lapat ang experimental na moda nito ang stilo at laman ng mga akda nina Rox Lee bilang pangunahin figura nito, kasama sina Nonoy Dadivas, Mike at Juan Alcazaren.
Hindi na ito nagtatangkang poor copy ng Disney o Pixar, ang tinatangka ng Hayop Ka ay umapila sa manonood sa pamamagitan ng kwentong romance na nakasentro sa dispatsadora (saleslady), komikong dialogo na halaw sa Pinoy humor, at moblisidado ang natatanging kakayahan ng animation para sa familiar na mga eksena at lugar ng kwento. Sa Hayop Ka, ang syudad na familiar lalo na sa taga-Metro Manila ay binigyan-buhay bilang mundong iinugan ng kwento ng isang dispatsadorang breadwinner sa pamilya na may kasing uri na boyfriend at walang sigla ang kanilang romansa, at nagkaroon ng pagkakataon para sa rurok ng pinapangarap niyang romansa nang pumasok ang isang mayamang negosyante kaedad niya. Pusa ang dispatsadora, malaking aso ang boyfriend at lobo (wolf) ang negosyante.
Sa kulturang Pinoy, cuing na agad ang pagpili ng hayop na identidad ng mga tauhan—taga-labas, negatibo ang turing sa lobo, wala ring lobo sa bansa—at kung gayon, tulad ng mainstream animation, hindi naman itinatago ang magiging kahihinatnan ng love triangle na ito. Inaasahan na lolokohin lamang ang babae ng negosyante pero hindi inaasahan na iiwan niya ang kanyang boyfriend. At sa huli, kakain muli ng pares sa dating place nila ng ex-boyfriend, kasama ang isang lalake na kakaiba ang hitsura at personalidad mula sa kanyang mga naging karanasan.
Buhay ang familiar na syudad sa Hayop Ka: mga stall ng herbal at anting-anting, pati na rin panghuhula sa Quiapo, paresan at iba pang pwesto ng pagkain, fastfood outlets, ukayan at maging protesta. Ang mga espasyo ng lower middle class na buhay at ang pinagtratrabahuang department store sa mall ang pangkaraniwang ininiinugan mundo ng dispatsadora na napalawak sa pagkakilala sa negosyante at ang mundo nito na dati ay pinapangarap lamang niya.
Kumbensyonal ang kwento minus ang kaunting twist nito sa pelikulang romance, lalo na sa romance comedy. Pero ang nagdala ng pelikula ay ang pagmumundo sa pamamagitan ng una, ang mga lunan at sityo sa mga tagpo; ikalawa, ang music track ng mga nauna’t bagong seleksyon na may tugma sa popular na kulturang kamalayan; at panghuli, ang dialogo sa kwentong hitik sa Pinoy humor. Minobilisa ang mga biro na ang mga salita at linya na may double meaning at ang di-hayag nito ay ang sexual na denotasyon, at ang mabilisang repartee sa delivery ng mga linya na unang narinig sa comedy music bars at nalipat sa telebisyon at sa pelikulang romance.
Ang kaibahan lamang, napapanood natin ito sa pelikulang animation na may taginting ito sa lokal na manonood dahil nagiging inklusibo ito sa karanasan ng maraming may afinidad sa lokasyon at mga biro. At namobilisa ng Hayop Ka ang familiarisasyon sa kwento, tauhan, suliranin at resolusyon pinanghahawakan ang mga kumbensyon ng animation at genre ng romance. Sa live-action na pelikula, ang ng klimaktikong eksena ng pakatuklas at pagtutuos ng babae sa lalaking taksil at ang babae nito ay dinaraan sa isang dramatikong eksenang may pagbitiw sa natatanging linya at isang gesture, tulad ng pagsaboy ng baso ng tubig sa mukha ng babae. Sa Hayop Ka, ito ay sa pag-flying kick ng dispatsadora sa lalake at literal na cat fight nito sa kalaguyo ng lalake.
Mas marami rin ang mga tagpo at camera shots, mas may rekurso sa mas kinetikong reaksyon sa mga mukha at katawan ng mga karakter, mas pinalaki ang aksyon sa Hayop Ka kaysa sa live-action na pelikula. Ang resulta ay isang pelikula na bagamat may pangkaraniwang kwento ng saga sa pag-ibig ng babaeng bida, gamit ang tagpuan, tunog, dialogo at biro, musika at editing na may hamig sa puso ng Filipinong mananood kahit pa nag-aambisyon pa ang pelikula ng mas malaking global na manonood sa kanyang Netflix na plataporma. Ang unang konsiderasyon ng Hayop Ka ay makasapol ng Filipinong manonood sa kanyang proyektong animation.
Nagawa ito ng Hayop Ka at nagawa na ito nito. Moving forward, kailangan din ng inobasyon sa mismong kwento lampas sa kumbensyon ng pinang-aangkatang genre sa live-action films. Ang comfort zone ng pelikula—sa susunod na proyektong animation–ay kailangan nang umigpaw sa regular na Pinoy humor na may propensidad na maging macho at sexista, may pagpipribelehiyo pa rin sa heteronormativity dahil ang posibilidad sa romansa ay nasa poder pa rin ng opposite sex na straight couple, at kinakailangang may minumundong kontraryong posibilidad sa mga karakter-mamamayan na kanyang tinatalakay bilang paglalatag nang bago namang sinasaad ng animation sa manonood-mamamayan nito.