Gawad Dekada 2010-2019

Natatanging Pelikula ng Dekada

DAHIL SA MASINING NA PAGGAMIT NG FILM TECHNIQUE NA TULUY-TULOY NA PAGKUHA AT PAGTUHOG SA DALOY NG NARATIBO NG ISANG NAGBABALAK MAGING MIGRANTE SA ISLA NG OLANGO AT PAGSASALARAWAN NG MAKULAY NA KARAKTER NI TERYA, IGINAGAWAD ANG UNANG PINAKAMAHUSAY NA PELIKULA NG DEKADA SA ANG DAMGO NI ELEUTERIA (2010) NI REMTON SIEGA ZUASOLA.

DAHIL SA MASINOP NA PAGSASALIKOP NG PANITIKAN, SAYAW AT ANG MASELANG USAPING SEKSWAL AT ANG MATALINONG PAGGANAP NG MGA KARAKTER NA GURO AT MGA ESTUDYANTE, IGINAGAWAD ANG IKALAWANG PINAKAMAHUSAY NA PELIKULA NG DEKADA SA ANG SAYAW NG DALAWANG KALIWANG PAA (2011) NI ALVIN YAPAN.

DAHIL SA MATAPANG NA PAGLALAHAD NG KUWENTO NG BATANG SI FAISAL AT ANG MATAGAL NA SULIRANIN NG HIDWAAN SA MINDANAO AT ANG MASINING NA PAGTATAMBIS NG PAYAPANG TANAWIN AT MARAHAS NA TUNGGALIAN SA MUNDO AT KALOOBAN NG MGA KARAKTER, IGINAGAWAD ANG IKATLONG PINAKAMAHUSAY NA PELIKULA NG DEKADA SA ANG PAGLALAKBAY NG MGA BITUIN SA GABING MADILIM (2012) NI ARNEL MARDOQUIO.

DAHIL SA MALINAW NA PAGHAHANAY NG EBIDENSIYA NA MAY HANGGANAN NGA ANG KASAYSAYAN SA BUHAY NG MAGKAPATID NA VIYUDA SAPAGKAT WALA NA SILANG MASILUNGAN, ANG KOMPOSISYON NG LANGIT AY PINANATILI NA MAALIWALAS SA KAMERA, AT ITINABOY NG BUONG TAPANG ANG NAGTATABING-ULAP. NAPUNTA SA NORTE, HANGGANAN NG KASAYSAYAN (2013) NI LAV DIAZ ANG IKAAPAT NA PINAKAMAHUSAY NA PELIKULA NG DEKADA.

SA PELIKULANG ITO NA UNANG NAGLAHAD NG KUWENTO NG MGA TAUSUG AT MUSLIM AT SA MATAGUMPAY NA PAGLALAHAD NG TUNGGALIAN NG MGA TAUHAN, MULA SA KANILANG KALOOBAN AT KULTURA NG RIDO, ANG IKALIMANG PINAKAMAHUSAY NA PELIKULA AY IPINAGKAKALOOB SA WOMEN OF THE WEEPING RIVER (2016) NI SHERON DAYOC.

MULA SA KAGUBATAN NG SITIO MAHARLIKA SA DISTRITO NG MARILOG, NATUNGHAYAN NATIN ANG PANG-ARAW-ARAW NA BUHAY NG TRIBO NG MATIGSALOG AT NAIPAMALAS NG PELIKULANG ITO ANG MUNDO NI MAMPOG NA ANUMANG KASALINGAN SA KALIKASAN AY NAITUTUWID AT NAPAPATAWAD.  ANG IKAANIM NA PINAKAMAHUSAY NA PELIKULA AY ANG BABOY HALAS (2016) NI BAGANE FIOLA.

NATUNGHAYAN NAMAN SA PELIKULANG ITO ANG BUHAY NG MAG-ASAWANG SINA OBUNAY AT DAWIN NA MGA LUMAD NA ITINATABOY NG MGA SUNDALO AT KUMPANYA NG MINAHAN SA KANILANG LUPAIN.  MASINING ANG PAGKUHA NG MGA EKSENA GAMIT ANG KAMERA SA PAGTALUNTON SA NANGYARI KAY OBUNAY AT DAHIL DITO NAIWASAN ANG DIDAKTIKONG PAGSASAYSAY.  ANG IKAPITONG PINAKAMAHUSAY NA PELIKULA AY ANG TU PUG IMATUY (2017) NI ARNEL BARBARONA.

MATAPANG NGUNIT MATIMPI AT MAY BAHAGYANG HINAHON ANG PAGSASAYSAY NG PELIKULANG ITO SA KARAHASAN NG MAYKAPANGYARIHAN SA PAGSUGPO SA GAMIT NG DROGA. BUMUBUKAS ANG PELIKULA SA MALINGGAL AT HALOS NAKABIBINGING PALITAN NG MURA AT INSULTO NG DALAWANG RAPPER AT ISINASARA ITO SA MATALINGHAGANG ULAN NA MAY PAHIWATIG SA PROTESTA NG SAMBAYANAN SA KARANASAN NG DRUG WAR AT MARTIAL LAW.  ANG IKAWALONG PINAKAMAHUSAY NA PELIKULA AY RESPETO (2017) NI TREB MONTERAS.

IPINAKITA NAMAN SA PELIKULANG ITO ANG ISANG MADILIM NA KASAYSAYAN NG PILIPINAS SA PANANAKOP NG AMERIKANO SA MGA HULING ARAW NG SETYEMBRE 1901 SA BALANGIGA.  MULA SA PAGTATAGNI NG MGA KASAYSAYAN, PANAGINIP NG BATANG SI KULAS, AT MASINING NA PAGGAMIT NG MUSIKA AT SINEMATOGRAPIYA, ANG IKASIYAM NA PINAKAMAHUSAY NA PELIKULA AY ANG BALANGIGA: HOWLING WILDERNESS (2017) NI KHAVN.

MALAKI ANG NAIAMBAG NG PELIKULANG ITO SA PAGBIBIGAY-BUHAY MULI SA PELIKULANG BAKBAKAN HINDI LAMANG SA PILIPINAS KUNDI MAGING SA TIMOG-SILANGANG ASYA NA NAGLABAS DIN NA KANI-KANILANG PELIKULANG BAKBAKAN.  TUNAY NA NABAGO AT NAIMPLUWENSIYA NITO ANG BAKBAKAN SA PAGTATANGHAL NG MAKATOTOHANANG SULIRANIN NG BUHAY LUNGSOD AT MASINING NA ORCHESTRATION NG MARARAHAS NA TAGPO. ANG IKASAMPUNG PINAKAMAHUSAY NA PELIKULA NG DEKADA AY ANG BUY BUST (2018) NI ERIK MATTI.

SA UNANG PAGKAKATAON, NAGKAROON NG TINIG ANG BABAE SA TRADISYON NG FILM NOIR AT BAGAMAN MATUTUNGHAYAN ANG TRADISYON NG PAGSASAYSAY SA MADILIM NA LUNGSOD NG MAYNILA SA PELIKULANG ITO, KATATANGI-TANGI ANG PELIKULA SA MATAPANG NA PANANAW NA HINDI BARIL ANG SOLUSYON DITO.  ANG HULING PINAKAMAHUSAY NA PELIKULA NG DEKADA AY ANG BABAE AT BARIL (2019) NI RAE RED.

Natatanging Aktor at Aktres ng Dekada

JOHN LLOYD CRUZ

Kung sakaling tila nagiging madali ang pagtawid sa mga ginagampanang tauhan, napagtagumpayan ng aktor na ito ang paggalugad sa arena ng mga pelikulang komersyal at seryosong pelikula. Wala sa takilya ang kanyang kapangyarihan, kundi napatunayan niya sa manonood at kritiko ang husay ng kanyang pagganap na damang dama at sapul na sapul sa kanyang tagasubaybay.  Naging mapangahas siya sa pagpili ng mga proyekto at binigyan niya ng angking alindog ang mga ito upang matunghayan din ng manonood ang kanyang obra at ang sining ng pelikula.

NORA AUNOR

Isa sa makapangyarihang personalidad sa loob at labas ng pelikula magpasahanggang ngayon, at ang kanyang pagtatanghal ay dinudumog pa rin ng manonood.  Ilan beses siyang pabalik-balik sa pelikula para sa mga bago at dating manonood at ang bawat henerasyon ay may natutuklasan pa ring bago sa kanyang pagganap.  Isang parangal sa aktres na ito na napanatili niya ang kanyang pag-ibig at pagtalima sa sining ng pagganap kung saan naibabahagi rin niya ang kanyang panganorin at pulitika.

ANGELI BAYANI

Ginampanan niya ang karaniwang tao, ina, guro, at rebelde at naghahain lahat ito ng iba’t ibang sikolohiya – mula sa gunam-gunam, sa pagtanggap at pagtiwalag – sa salita at gawa na tila kakambal ng aktres na ito.  Masungit ngunit may lambing, matapang at matalino – ang kanyang pagganap ay higit na natatangi sa karaniwan.

ALESSANDRA DE ROSSI

Bagaman walang kinalaman ang dami ng kanyang nominasyon sa parangal na ito, masasabi pa rin na kapansin-pansin, natatangi, at walang mintis ang lahat ng kanyang pagganap,  bagay na nagtanghal sa kanya bilang natatanging aktres ng kanyang henerasyon.  Biniyayaan siya ng talino upang mabigyang-buhay ang mga kuwentong nakakatawa, nakalulunos, at kapwa trahedya at komiko. Pinili niya ang mga proyektong nagpapakita hindi lamang ng kanyang estetika kundi maging ang saysay ng pagiging babae sa pinilakang tabing. 

Back to Home

Back to Gawad Urian

%d bloggers like this: