Aswang

Aswang (2019), dir. Alyx Ayn Arumpac

“Kapag sinasabi nilang may aswang, ang gusto talaga nilang sabihin ay matakot ka.”

Rolando B. Tolentino

              Paratihang inuulit ng voiceover ng direktor ang linyang ito dahil ang aswang sa dokumentaryong hinggil sa tokhang o war on drugs ni Duterte ay ang mga pumapatay sa kalagitnaan ng gabi, sa mga madidilim at ordinaryong lugar ng mahihirap, at nag-iiwan ng duguang labi ng bangkay.  Ito ang mga riding in tandem na ang demographics ng napaslang ay simple—madalas lalaki, madalas mahihirap, madalas may kasaysayan ng drug use o mukhang drug user.  Ang collateral damage ay ang mga bata at kabataang lalaki na napasama sa hindi makukumpirma siste ng kota ng pagpaslang o alinsunod sa itinakdang bilang inaakalang magpapatimo sa mamamayan sa grabidad ng drug use sa bansa at sa mga gumagamit nito.

              Kung wala ang dokumentaryo, walang nakapagtahi ng mga pangkaraniwang mga eksena—pangunahin ang scene of the crime—ang pangkaraniwang cast ng tauhan sa bawat eksena (biktima, pamilya ng biktima, mga ulat na nabalitaan ng nasa funerarya ukol sa bangkay na inineposito sa kanila o nakasaksi sa kaganapan.  Ang mga tagpo na nakapaglatag ng mga kwento sa gabi-gabing tokhang operation ay ang pangkaraniwang mga lunan ng mahihirap:  eskinita, kanto malapit sa papasok sa komunidad, funerarya na malapit sa krimen, kanal, piitan, pampublikong sementeryo o presinto, halimbawa.  Ang nababago sa pangkaraniwang gamit sa mga espasyo ay ang magkakasalikop na ugnay dulot ng karahasan sa tokhang—madugo at marahas sa biktima, sa pamilya at komunidad dahil nga ang eksena at kaganapan ng karahasan ay hitik sa kultura ng impunidad ng pulisya at may kapangyarihan.

              Mahalaga ang dokumentaryong Aswang dahil tinangka nitong habiin ang mga tinig sa laylayan ng war on drugs, ang mga ordinaryong sityo at tauhan sa bawat kaso ng pagpaslang o extra-judicial killing (EJK) na nagaganap gabi-gabi sa bawat sulok ng bansa, at sa sampu-sampung libong kabuuang naganap at sinasabing nagaganap hanggang sa kasalukuyan na tinabunan lamang ito ng panibagong pabigat na health emergency misgovernance sa pandemiko.  Sa mga representatibong kaso ng pagpaslang na nahamig sa dokumentaryo, ang mga ordinaryong sityo at tauhan ay nagiging muling extraordinaryo dahil ang kanilang tinig sa laylayan ay inilalatag bilang natatanging sabjek ng dokumentaryo sa isang banda, at ang kanilang kolektibong tinig ay tumutugon bilang isang  visual evidence ng pangkalahatang karahasan, kawalan katarungan at kultura ng impunidad ng operasyong tokhang na kumitil sa lampas na ng 31,232 katao o isang libong kataong pinapaslang buwanbuwan ayon sa ministrong kalahok na nightcrawler sa dokumentaryo.

              Kung tatandaan muli ang demograpiko mga biktima ng EJK sa war on drugs na galing sa mahihirap, ang dokumentaryo ay matapang at may tindig sa pagsisiwalat ng kwento ng kultura ng droga at tokhang mula sa ibaba—ang mga ordinaryong buhay na sapilitang nasasangkot kada insidente ng pagpaslang.  Muling idiniin ng Aswang ang kapangyarihan ng dokumentaryo bilang visual na ebidensya, testamento at patotoo hinggil sa kaganapan, ang trauma dulot ng war on drugs sa mga historikal na naisantabing mahihirap sa lipunan, ang mga mamamayang tauhan bilang naging kalahok sa hindi piniling kaganapan, ang pulisya na implikado sa kaganapan, ang kultura at politikang nagdulot ng kaganapan.  Masalimuot ang kaganapan at natahi ng dokumentaryo ang mga pananaw ng mga naiwanang pamilya ng biktima laban sa ofisyal na pahayag ng pulis, pati ang subekonomiya ng tokhang sa mumurahing funerarya at seksyon sa publikong sementeryo para sa mass burial ng walang umako sa bangkay dahil sa malamang, sa sikretong operasyon inheriko sa tokhang, malaki ang tsansa na ang mga taong walang kinalaman sa droga ay napapaslang din na hindi alam ng kanilang mga pamilya.

              Matapos ng recuperation ng feministang skolar sa aswang bilang liminal na nilalang, unruly woman, babae na tumataliwas sa ideal ng pagkababae, muling ni-rework ni Arumpac ang aswang sa politikal na agenda sa dokumentaryo—figura ng karahasan at tiraniya sa biktima, pamilya, komunidad at bansa.  Tandaan na ang aswang ay ginamit din sa kampanya ni Magsaysay sa pagkapangulo laban kay Quirino na inaakalang inepektibo sa pagsugpo ng Hukbalap na malakas sa Central Luzon.  Ang mga napaslang na duguang rebelde na tinanggalan na ng dugo at nilagyan pa ng dalawang maliliit na saksak sa leeg bilang pahiwatig na napatay ang mga ito ng aswang ay itatambak sa kalsada para makita ng kapwa rebelde at mamamayan.  Hindi nakapangampanya ang mga rebelde laban kay Magsaysay at nawalan ng kumpiyansa ang taumbayan sa mga Huk, ayon sa mga ulat.

              Lumalabas din ang aswang sa tabloid sa panahon ng kalituhan at kaguluhan sa bansa, tulad ng krisis pang-ekonomiya at politikal sa patapos na yugto ng Marcoses.  Ang pagpili ni Arumpac sa politikal na reworking ng aswang ay integral sa banayad na pagpapahiwatig sa aktwal na figura na nasa likod ng gabi-gabing karahasan at isinasadula sa lahat ng bahagi ng bansa—kung ang sosyolingwistikang mensahe ng aswang ay matakot ka, sino ba ang nagpapalaganap ng takot?  Sino ba ang pangunahing arkitekto ng tokhang at ng napakalaking bilang ng kaswalti nito?  Sino ba ang nagdulot ng trauma sa daandaang libong pamilya at komunidad sa walang patid na reenactment ng mga eksena ng karahasan?  Sino ba ang makikinabang kung matakot ang mamamayan?

              At ito ang talas ng kapangyarihan ng Aswang na wala sa mga naratibong pelikulang tumalakay sa tokhang—wala ang salarin ng pananakot at fasismo sa pelikula, mga galamay lamang niyang kumikilos sa laylayan bilang operator, enabler o justifier ng karahasan.  Naalaala ko ang Raise the Red Lantern (Yi-mou Zhang, China, 1991) na ukol sa lipunang pyudal na ang patriach ay pipili sa kanyang mga concubine kung sino ang makakasiping sa bawat gabi.  Hindi ipinakita ang patriach pero ang ipinakita sa pelikula ay ang mga iba’t ibang antas ng karahasan sa mga babae biktima ng ganitong kaayusan.  Sa Aswang ang absent organizer, ang metasignifier ng war on drugs, fasismo, tiraniya at kultura ng impunidad sa lahat ng antas ng pamahalaan at ng mga instusyon nito, maging ng galamay nito sa ground level ay alam naman na nating lahat kung sino.

              Mapagnilay ang pelikula, babad sa mga kasong tinalakay nito at nakapagsambit din ng kuko ng liwanag sa madilim na karahasan sa tokhang—ang nightcrawlers o photojournalists na gabi-gabing sumusunod at dinodokumento ang eksena ng tokhang, kasama ang insidente ng pagkulong sa madilim at masikip na walang kuryente, toilet at bentilasyon na  sikretong lugar sa presinto na naglaman ng 30 detenidong arbitrayong inaresto kapalit-lagay na P40,000 hanggang P100,000, ang ilang simbahang tao, ang ina na bitbit ang dokumento ng kanyang anak na tinokhang, ang malakihang rali laban kay Duterte, at ang paglahok ng nabuong organisasyon ng mga pamilya ng biktima ng tokhang dito (at malamang pati sa kinakailangang dokumentasyon at paglalatag ng ebidensya kay Duterte sa International Criminal Court). 

              Sensitibo ang framing at dialogo ng mga pamilya ng biktima, matatas ang mga tauhan lalo na ang batang Jomari na nagbahagi ng pagtagos ng tokhang sa pang-araw-araw na mga laro at sa direktang pagsagot sa mahihirap na tanong, matalas ang sinematograpiya ng mga ordinaryong eskinita, kanal at sementeryo, masinsin ang editing at tunog, ang Aswang ay isang marker film sa documentary o sa partikular, sa ATM documentary filmmaking sa bansa.  Tulad ng Mendiola Massacre (Lito Tiongson at AsiaVisions, 1987), Sa Ngalan ng Tubo (Tudla Productions, 2004) na ukol sa Hacienda Luisita massacre, at A House in Pieces (Jean Claire Dy at Manuel Domes, 2020) ukol sa mga buhay matapos ng Marawi seige, ang Aswang ay iniluwal sa mismong sandali o matapos medyo naging hindi na itinatampok ang gabi-gabing kaganapan sa tokhang ng media. 

              Mahirap ang paksa ng dokumentaryo kahit mahirap gawin ang dokumentaryo.  Pero ang kinalabasan ay isang nagpapatuloy na eulohiya sa tokhang ni Duterte at sa pagdanas nito sa mga ordinaryong buhay na sapilitang hinigop ng sandali ng karahansan, ang hindi maiibsang trauma ng pagkawala ng mahal sa buhay, ang panghihinayang gayon wala namang rekurso sa katarungan.  Sa huling pagbanggit sa linya sa huling segment ng pelikula—ang matiyagang nightcrawler na isang gabi na namang nagdra-drive sa EDSA para idokumento ang isa na namang biktima ng tokhang at ng kanyang pamilya—ipinagpatuloy ng voiceover, “Pero mayroon pa ring hindi natatakot, nagagawang harapin ang halimaw, dito nagsisimula.”  Hanggang mayroong matapang na tumitindig laban sa karahasan, hindi magtatagumpay ang takot.  Nananatiling may pag-asa kapag hindi tayo nagpatalo sa takot, at tumindig para sa katotohanan.