KAPAG TULA ANG NAGHARI
Benilda S. Santos
Nagtitila alpombrang pula at may makapal na lamukot ang alon-along abo at lahar na isinuka ng Bulkang Pinatubo sa ilalim ng makapangyarihang yapak ng isang Hari ng mga Poeta. Iyan si Conrado “Kong Dadong” Guinto, Francisco Guinto sa tunay na buhay, makatang Kapampangan sa tradisyon ng crissotan (o balagtasan sa Katalugan), nabuhay nang nananalunton sa indayog ng sukat at tugma sa taludturang nabubuo sa taginting ng kanyang tinig at haplit ng mga talinghagang binuli sa sinaunang ugali at hilig sa paglikha ng sining ng tula sa pamamagitan ng tunogg at hulog ng binibigkas na mga salita.
Umiikot man ang pelikulang, ARI My Life with a King, sa huling yugto sa buhay ng isang mahusay na makata ang kabuuang puwersa at bigat ng mga pangyayari ay masasaksihan sa unti-unting pagkakakilala ng high school student na si Jaypee (Ronwaldo Matin), sa mahiwagang kakayahan ng paglikha sa pamamagitan ng matamang pagmamatyag, pakikiramdam, pakikinig, at pag-unawa sa isang poeta primera clase mula sa punto de bista ng isang walang muwang sa mayamang tradisyon at kultura ng panulaan na nananatiling buhay sa kanyang baryong sinilangan subalit natabingan (at natabunan pa nga) ng kulturang popular na sinapian ng kulturang kanluranin (halimbawa, ang modernong sayaw na itinanghal ng grupo ng mag-aaral na kilala sa turing na “Hot Jamers”).
Hindi sinasadyan ang pagkamulat ng mag-aaral na si Jaypee sa kanyang “isa pang” kultura. Palibhasa may motorsiklo, ipinakao nsa kanya ang panauhing pandangal na si Kong Dadong (isang natatanging alumnus ng SBA o Sapang Biabas Academy) upang magtanghal ng isang tulang pagbigkas kasama ang tatlo pang poeta laureado na sina Policarpio Batac, Eufrocina de la Pefrocina de la Peña, at Felix Garcia. Subalit nasiraan siya ng motor sa daan pagkaangkas sa kanya ni Kong Dadong. Pagsapit sa paaralan, nahuli na ang makata sa programa, at bunga nito, nilaktawan siya at ng iba pang makata, at nagpatuloy na lamang sa pakikinig sa pananalita ng mayor hanggang sa matapos ang palatuntunan.
Wari paulit-ulit na pananakit o pagsugat sa damdamin ng mga poeta laureado, hayag na hayag, na ang totoo, hindi na nakikita ng komunidad ang mga makata. Wala na silang halaga sa nakararami. Wala na sila sa memorya ng mga ito, kaya wala na ring identidad ang mga iyon. Pumalya na ang dating, mayamang kultura, o, tulad ng mahusay na paggamit ng tagpuan sa pelikula, abo na lamang mula kay Pinatubo ang naa ibabaw at nakikilala. Natabunan na ang dating makulay na kaugalian, ritwal, o pagdiriwang. O kaya, tanggal na sa pagkakabigkis ang heograpikal at politikal na kaisahan ng lugar. At ang kakalasang ito ay nag-iiwan ng ebidensya sa mukha ng mga tagapanood ng programa, at ng talumpati ng mayor, at ang sing-and-dance number ang pinakatanyag – nakatanga sila, traumatized.
May palatandaang naabot din ng globalisasyon ang Sapang Biabas Academy: may mobile phone, may motorsiklo, kotse at mga van; may sound system; kahit paano, may RC Cola; at may styropore na lalagyan ng packed lunch. Subalit, maliban sa makata, mayroon kayang tauhan sa pelikula ang may malinaw na identidad? Tinatanong ni Kong Dadong si Jaypee kung bakit panay ang pananagalog nito sa pakikipag-usap sa kanya. Laking gulat naman ni Jaypee nang pagkaraan niyang bigkasin ang tulang “Trees” ni Joyce Kilmer, tinugon siya ng makata ng bersiyon ng tula sa wikang Kapampangan. Nang makarating ang makata sa SBA, pinansin nito kung paanong hindi nagbago ang paaralan sa tagal ng panahon, at nakita pa niya ang dating upuan noong nag-aaral pa siya doon. Umupo ito sa dati nitong upuan maraming taon na ang nakaraan. Tinanggap siya, at wari niyakap nang buong katahimikan ng paligid.
Mabini ang mga eksena sa pelikula. Wari may paggalang sa makatang tahimik na naggdaramdam sa pagbabago ng panahon, at mahinahong tinatanggap ang pagwawalang-bahala sa kanya at sa kanyang sinasagisag.
Sa pagppapatuloy ng piping pagsasalaysay ng matimping naratibo, halos nasaid ang drama. Halos dokumentaryo na lamang ang naratibo: tila binubuo ng mga larawang pinagtabi-tabi lamang sa dapat kalagyan, at wala nang babaguhin dito ang tumutunghay sa mga larawan ng buhay. Tila mga pahina ng photo album ang mga eksena: nakasuksok sa mga espasyong dapat kalagyan. Walang labis-walang kulang.
Sa ganitong paraan sumasapit sa manonood ang pagkadama ng pagiging buo ng matandanag makata. Tiya niya kung sino siya, kung nasaan siya, at kung ano ang halaga sa kanya ng tagpuang iyon: ang lahar, ang talahib na buhaghag at malapit nang makalbo nang tuluyan, ang mag-aaral na si Jaypee. Gagap siya ng kultura ng paglikha. Iyon ang tatag na nais niya.
Si Jaypee kaya ay may gayon ding katatagan sa kanyang sariling identidad? Sa madalas na pagharap sa camera sa mukha ni Jaypee, at sa pagharap din dito ni Jaypee, patungo sa manonood sa kabila ng kuwadro, mahihinuha na ang layunin ng camera ay iisa: ang itutok ang bawat eksena sa pagsisikap nitong gisingin ang malay ng tauhan sa pangangailangang matuto itong magkaroon ng ugaling pagbaling sa sarili nang buong katapatan upang malaman kung anong wikat at/o kultura ang pahahalagahan o pipiliin, at, sa wakas, aangkinin.
Kaya walang likat sa pagtula ang makata. Nahulog na siya mula sa entablado, tumula pa rin sa binagsakan. Pagsapit sa klinika, tumula pa rin siya. Nang dalawin siya ni Jaypee kinabukasan, hiniling niyang basahan siya nito ng tula. At saka pa lamang pumanaw ang kanyang malay, kasabay ng mahinahong pagpapaubaya sa Musa ng kanyang kapalaran.
Magkakasama sa tahimik na prusisyon, dinala ng magkakapitbahay at magkakakilala sa huling hantungan ang makata. Lumakad sila sa lahar. Dala ng ilan ang kabaong, samantalang sumusunod naman ang natitira. Patuloy naman ang pagtatapos ng pelikula sa pagbubuo ng mosaic ng mga tagpo. Patuloy na nagkakahugis ang pagsaglit-saglit ng mga tagpo: sunod-sunod na umaayos upang ang mga taludtod ay maging saknong, at ang mga saknong ay ganap na maiuwi sa tula.
Ipinutong ni Midling (Cecile Yumul), ang biyuda na makata, ang korona ng ginintuang dahoon ng laurel kay Jaypee. Kailangang tiyakin na tula ang mahahari.
Sa huling kuwadro ng pelikula, makikita si Jaypee na nagpapalipat-lipat sa ibabaw ng mga nitso. Kumikilos ang realidad: madulas; buháy. Hindi papapigil s amalakas na hila ng dokumentaryo, maliban na lamang kung paaalpasin doon ang kagandahang panghabang-panahon, iyong uhaw ng puso ng tao sa paglikha ng bago at bagong pagmmamahal sa lupang minulan na siyang mag-aangat at magpapalaya sa kanya ng pagkabilango sa abo at lahar nang magkapuwang, magkahugis, at maihabilin sa susunod na salinlahi, ang anumang may kakayahang maging sining, pelikula, tulay. Iyan ay ang lahat-lahat na.
ARI MY LIFE WITH A KING (2015) Direction CARLO ENCISCO CATU; Screenplay; ROBBY TANTINGCO Production Design ALEX CASTRO; Cinematography CARLO MENDOZA; Editing CARLO FRANSCISCO MANATAD; Music JAKE ABELLA; Sound GILBERT OBISPO; Cast RONWALDO MARTIN (Jaypee), FRANCISCO GUINTO (Conrado), CECILE YUMUL (Miding), CHLOE CARPIO (Tintin), JONALYN ABLONG (Marlyn), EUFROCINA PENA (Apung Ciniang), POLICARPIO BATAC (Tatang Haspe), FELIX GARCIA (Tatang Gili), CELITO PAZ (Tatang Iliong); Produced by HOLY ANGEL UNIVERSITY and CENTER FOR KAPAMPANGAN STUDIES; Color/Runnng Time 1:28
Back to MPP Reviews 5