
Ang Sabayang Pag-angat at Paghupa ng Ang Hupa
Rolando B. Tolentino
Patuloy ang experimentasyon ni Lav Diaz sa slow cinema. Sa Ang Panahon ng Halimaw (2018) isang anti-musical na musical na may spekulatibong hamig sa tauhang dalawa ang mukha sa ulo. Pero ang kaibahan ng spekulatibong naratibo ng Ang Hupa ay forward looking ito, sa taong 2034 sa coup at pamamayagpag ng tirano at diktator Nirvano Navarra (Joel Lamangan), at ang fasistang paghahari nito sa gitna ng pandemya. Ang kaibahan ng pelikula sa mga nauna sa kanya, futuristiko ang hamig, hindi hugot sa nakaraan, lalo na sa diktaduryang Marcos.
Ang kahalintulad na tema ng Ang Hupa ay ang patuloy na interogasyon sa mga historikal at panlipunang isyu ng amnesia at alaala. Matutunghayan muli sa pelikula ang ensemble ng karakter na magpo-populate sa lunan at panahon ng 2034, kasama ang pinakamataas ng karakter sa pelikula ni Diaz, ang diktador na presidente. Hindi ordinaryong diktator ito, kloseta ito na pinakamatingkad ang mobilisasyon ni Diaz sa kasarian at sexualidad sa pelikulang ito kaysa sa mga nauna niyang pelikula.
Dalawang lesbianang koronel bilang kontrabida, ang pangunahing babaeng karakter ay sex worker, at iba pang karakter na minomobilisa ang pagtatanghal ng kanilang kasarian at sexualidad sa masalimuot na proyekto ng sapilitan at sistematikong paglimot at pakikibaka para sa kolektibong pag-alaala. Umaalingawngaw dito ang mga naunang pelikula ni Diaz sa paghugot sa ganitong balon ng filmikong diskurso para sa kanyang masining na ambag laban sa historikal na revisyonismo.
Ang resulta ay isang madilim na Filipinas, film noir at ang pagkakaroon ng karakter na tortured na bidang lalake at mas mapagpasya at kanasa-nasang bidang babae bilang mga kontrapuntal sa diktador na presidente. Mas nagaganap ang aksyon ng pelikula sa kadiliman at sa kasagsagan ng gabi kaysa sa araw at liwanag. Ang hayagang sinasaad ay hindi kasing interesante ng hindi isinasaad—yung sa mga madidilim, liblib, nakatagong sityo at sandali sa labas ng anino ng diktador na presidente.
Ang inner workings ang isang pusta o wager ng direktor bilang artist at intelektwal: kung paano naibubunsod, napapaunlad at namimintina ang politikal na kapangyarihan sa alaala at paglimot, at kung paano ito mare-reterritorialize, mare-reclaim, muling maaako, muling maka-capacitate para sa taumbayan na tinanggalan ng ganitong individual na ahensya. Maligoy pero madaloy ang pelikula para tumbukin ito. At ito ang diskursibong impetus sa narrative quest ng pelikula: ang demistifikasyon ng amnesia at ang mistifikasyon ng pag-alaala o remembering/memorialization/memory-making/history-making.
Nakaangkla at lampas sa naratibong isinisiwalat ng pelikula, ito ang politikal na proyekto sa diskurso ng Ang Hupa. Tunay na complex-compound ang antas ng difficulty na inatas ni Diaz sa kanyang balikat. Pinasan-ko-ang-daigdig mode kumbaga. Ang resulta ay ang pinakapolitikal na kalibre ng pelikula ni Diaz na walang pagtutumpik sa sabayang paglalahad at pagbasag ng alamat o simula, pagkapunla, pagkaunlad, pagkabansot, at kapamaraanan ng pagpaslang sa diktador na presidente.
Kung sa nakaraan mga pelikula ni Diaz, ang dialektika ng amnesia at remembering ay nakapasok sa naratibo sa diegetikong panahon ng pelikula gayong nakaangkla naman sa kawalang resolusyon sa fasista at korap na pinagdaanan sa at pamana ng dikdaturya at pamilyang Marcos—na nagresulta sa bigtime comeback sa politikal na eksena ng mga ito sa kasalukuyan—sa Ang Hupa, ito ay ang pag-angkla sa kasalukuyan, pagpapatuloy at pag-igting ng fasismo at korapsyon na ito sa isang diegetikong hinaharap.
Akma pa rin ang paglalatag ni Diaz ng sabayang panahon at espasyo sa Ang Hupa sa mga nauna niyang pelikula—pinagsasanib niya ang kasalukuyan sa nakaraan sa kaso ng naunang mga pelikula at ang hinaharap na kasalukuyan sa nakaraan (na kasalukuyang kasalukuyan natin). Ito ang kasaysayang ng kasalukuyan (history of the present ni Foucault) na historikal na inaakda ang nakaraan—dialektika ng amnesia at remembering sa diktadurya at pamilyang Marcos, at sa kaso ng Ang Hupa, ito at saka ang historika na revisyonismo nito sa kasalukuyang administrasyong Duterte, ang peg ng karakter na diktador na presidente—gamit ang mga konsepto, konsern at isyu ng kasalukuyan—sabayang pagsambit at pagsipi sa diegetikong futuristikong panahon sa pelikula gamit ang lente ng kasalukuyang predikamento.
Ito ang pwersa ng politikal na proyekto ni Diaz sa Ang Hupa. Mas malakas sana ang hamig niya kung hindi ikonikong artista ang gumanap sa pelikula: tila ina-act out lang ng dalawang pangunahing karakter (Piolo Pascual at Shaina Magdayao) ang kanilang pagganap sa lutang ang mga mukha at linya. Kumpara sa mga establisyadong aktor ng entablado at character actors lalo na sa mga naunang pelikula ni Diaz, hindi standing out like a sore thumb ang mga aktor kundi integral na organikong bahagi ng minumundo sa mga pelikula.
Bilang manonood, hindi ko maigpawan lalo na si Pascual na hirap din sa pag-igpaw sa mundo ng kanyang karakter at ng pelikula. Napapanghina sa akin ang politikal agenda ni Diaz dahil lumulutang at hindi naipapaloob ni Pasual ang kanyang karakter sa pelikula. Ang ikalawa pang nakakapanghina sa pelikula ay ang ordinaryong disenyong pampelikula na mahirap magkaroon ng leap of faith ang manonood na ang pelikula nga ay nakatagpo sa 2034 at hindi sa mga regular na sityo at sentro ng Metro Manila ng kasalukuyan.
Gayunpaman, angat pa rin Ang Hupa, humupa lang sa dalawang nakakapanghinang salik ng bidang hindi makalampaslampas sa star system ng studios at ng hindi nakakakumbinsing disenyong pampelikula ng Filipinas sa 2034. Pero nananatiling sariwa ang bisyon at sustenido ang hindi matatawarang politikal na proyekto ng anumang pelikula ni Diaz.
ANG HUPA (2019) Direction and Screenplay: Lav Diaz. Editing: Lav Diaz. Cinematography: Daniel Uy, Lav Diaz. Production Design: Max Celada, Allen Alzola. Sound: Corinne De San Jose, Jemboy Aguilar. Cast: Piolo Pascual, Joel Lamangan, Hazel Orencio, Shaina Magdayao. Producers: Spring Films, Sine Olivia Pilipinas. Running Time: 276 mins.
Back to MPP Reviews