

A House in Pieces (2020), dir. Jean Claire Dy and Manuel Domes
Pagkasira at Pagbuo sa Eksana ng Dahas
Rolando B. Tolentino
Mahirap ang tanong ng dokumentaryo ito hinggil sa pagtatangkang ibalik ang mga buhay ng mga nagsilikas nang maganap ang limang buwang pagkubkob at giyera sa Marawi City noong 2017. Ilang taon matapos ng siege, manaka-naka ang nakabalik sa kanilang mga dating tahanan, eskwelahan, trabaho, negosyo at pamayanan sa pinakalamaking Islamikong syudad sa bansa. Ayon nga sa dokyu, matapos ng tatlong taon, isang bahagi pa lamang ng syudad ang nagsisimulang umusad, ang pinakamalaki at pinakasentro—ang ground zero—ay nananatiling nakasara.
Ang tanong ay paano muling itatayo ang bahay kung ang labi na lamang nito ay mga pira-pirasong bahagi? O kung hindi pa pinapahintulutang muling itayo ang bahay? Itong tanong hinggil sa mga nangabuwag na bahay at kahalintulad sa mas malaking tanong tungkol sa nabuwag na Marawi City. Ito ay siyang sentrong argumento sa mga buhay na sabjek ng dokumentaryo sa pautay-utay pero sa abot ng kakayanan na magpursiging muling ibalik ang kaayusan at kalakaran ng mga nilikas na mga tahanan—marami ay wala na, at ang binabalikan na lamang ay ang anumang mga gamit o piraso na maaring mailipat sa kasalukuyan tinutuluyan—pati na rin ang pautay-utay na pagtatangkang maibalik ang mga kaayusan at kalakaran sa hanapbuhay, pag-aaral o komunidad, halimbawa.
Malulungkot ang mga sandali ng mga simpleng eksena ng paglilinis ng bakuran at pagtatabas ng mga naglalakihang damong tumubo rito, ng paglalaba sa ilog o ng paglalaro ng mga musmos dahil hitik ito sa bigat ng predikamento ng nananatiling lagay. Maraming eksena na natatanaw nila ang dating marangya, elegante at buhay na buhay na syudad muli sa kanilang tinitirhan sa ibang bahagi ng Lake Lanao, ang syudad na nasira ng mga bomba at giyera at hanggang ngayon ay nananatiling naagnas kundi man patay na ang hitsura. Nakapunta ako sa Marawi City at hitik ito sa mga malalaki’t magagandang mosque, ang dry-goods na palengke ng ginto at mga tela ay walang patid sa kilos ng mga tao, at maging ang ibang mga tao sa anumang bahagi ng syudad ay aktibo sa kanilang pang-araw-araw na buhay.
Iniisip ko ang Marawi na ito sa aking alaala, at sa mga imahen ng mga mosque na malamang ay bubuwagin dahil sa tindi ng sira, ang guho ng ibang mga gusali sa sentro at iba pang bahagi, pati na ang mga kalsada, nagmimistulan ng multong salamin ng dati’y buhay at sentral sa buhay ng daan-libong mamamayan nito, at ng ilan pang daan-libong mamamayang umaasa sa syudad para sa kanilang edukasyon (ang Marawi ay educational hub), kalakaran (bilang mayor na palengke at outpost ng komersyo), medikal na pangangailangan, at hanapbuhay.
N ang ilan piling sabjek ng dokumentaryo ay representasyonal ng daan-libong buhay pa na nagtatangkang bumalik sa syudad, nagtatangkang muling itirik ang buhay, nagtatangkang muling buhayin ang syudad ay nagbibigay-diin sa kawalan-resolusyong idinulot ng giyera ng gobyerno at ISIS. Ang apektado at pumapasan ng bulto ng pagkasira at pagkawala ay ang ordinaryong mamamayan, pati na rin ang kanilang mga pagtatangkang bumalik sa mga bahay at ibalik ang kanilang buhay rito at nakaugat dito. Silang hindi pinili ang giyera, silang pinili ng giyera para sirain ang kanilang buhay ay nananatiling nasa laylayan pero aktibong kumikos para muling tumindig at magpursiging ibalik ang kung ano ang sa kanila sa syudad.
Sa dokyumentaryo, ipinakitang mayroon pa ring mga sumusuporta sa jihadist at ISIS. At ang transformasyon ng takot sa pagiging manhid. Naging matigas na—dahil kinakailangan bilang defensa ng at sa sarili—ng isang babae na sabayang tinatanggap ang fatalistiko rason na hindi na siya takot sa giyera, at kahit mapatay siya kung sakaling mangyari muli ang giyera. O ang sabjek na nagtratrabaho ng pagkumpuni sa isang nabombang bahay—ang kanyang realisasyon na mabigat ang gawain dahil alam niya, tulad ng sarili niyang bahay, na ang ginagawang repair ay resulta ng giyerang hindi naman nila pinili. Nagmumulto ang bawat katagang binibigkas dahil nga sa konteksto ng mga eksena ng nabuwag na syudad at ng mga buhay na dating nakatira rito.
Nagmumulto ang nananatiling presensya ng nabuwag na syudad mula sa panorama ng mamamayang tumatanaw sa hindi kalayuan nito. Hitik ang dokumentaryo ng mga shot ng walang tao, walang ganap, walang buhay na mga eksena, o mga eksena ng malawakang resulta ng giyera at karahasan, at pati na din misgovernance sa pananatiling walang laman na syudad at ng mga nawala at nawawalang buhay ng mamamayan nito. Hitik din ang dokumentaryo ng matulaing mga eksena sa pang-araw-araw na buhay ng mga sabjek nito: mga ina na umaawit sa kanilang mg supling na may linyang tulad ng “kailan babalika ng ating syudad muli sa atin?” at “matulog, huwag umiyak,” mga batang naglalaro kahit pa sa kawalan-kasiguraduhan ng buhay sa kanilang muling binabalikang mga bahay at espasyo, o ang tila normal na ilog na nagkaroon ng ibang dating nang banggitin na ito ay naging kulay dugo sa pagtapon ng mga katawang nangamatay sa ground zero
Ang malakas na nagdala sa makapangyarihan na dokumentaryo ay ang pagtutok sa serialidad ng pagkawatakwatak ng bahay at buhay, tulad ng volunteer sa relocation site na ang mga anak ay pinapunta sa Maynila para maghanap ng trabaho at tumulong gastusin para sa muling pagpapatayo ng bahay na nang kanyang binalikansa isang eksena ay wala na ang mga bubong at pader. O ang pautay-utay na muling pagtatayo ng buhay ng pamilyang bumalik sa kanilang tahanan, naglilinis sa bakuran, pautay-utay na muling isinasaayos ang mga nangasira. Kung itutuloy ang lohika ng bahay na ang labi na lamang ay ang mga pira-pirasong bahagi nito, gayon din sa syudad na ang mga nabuwag at gumuho ay nananatiling nasa pira-piraso o nabuwag na bahagi nito.
Expresibo ang dokumentaryo sa explorasyon ng mga imahen at eksena ng mga gumuho resulta ng mabilisan at madugong giyera, at ang muling pagtatayo bagamat tila napakabagal ay determinado ang mga mamamayan nagbalik at tinatangkang ipanumbalik ang buhay mula sa inugatang tahanan. Expresibo ang dukumentaryo bilang patotoo sa patuloy na karahasang nagaganap sa buhay ng mga taong inako na ang muling pagpapatayo ng kanilang mga tahanan at sa kolektibong pagkilos na ito, ang muling pagpapatayo ng kanilang syudad kahit pa nga hindi sila ang pumiling masangkot sa giyera.
Ang House in Pieces ay isang elehiya sa pagpupursigi ng ordinaryong mamamayan na muli nlang itindig kanilang mga bahay, muli itong gawing tahanang ugnay sa kanilang ugat na pinanggalingan at bukal ng karanasang bumuhay at nagpayaman sa kanila bago ang giyera, na kahit pa ang syudad ay nananatiling nakaguho, ang mga mamamayan sa laylayan nito ay muling nagbalik, muling itinatayo ang mga pira-pirasong bahagi para buuin ang kanilang tahanan, buhay at marangal na pagkatao sa laylayan ng dakilang Marawi City.