2018 Natatanging Gawad Urian

Winston Raval (Vanishing Tribe)

WINSTON RAVAL (VANISHING TRIBE) AT ANG PAGBABAGO SA PAMPELIKULANG MUSIKA

Rolando B. Tolentino

NAUNANG PINARANGALAN SI Levi Celerio ng Natatanging Gawad Urian para sa musikang pampelikula dahil sa kanyang mga popular na komposisyong naging theme song ng pelikula, at sa popularidad ng kanyang mga komposisyon, naging titulo ng mga pelikula. Sa isa pang kauna-unahang pagkakataon, ang Natatanging Gawad Urian ay ipinagkakaloob kay Winston Raval, bandleader ng grupong Vanishing Tribe, na ang pangunahing malikhaing kontribusyon ay sa larangan ng orihinal na musika at musical score para sa pelikula.

           Si Raval at Vanishing Tribe ang musical scorer ng 18 pelikula ng Pambansang Alagad ng Sining para sa Pelikula Ishmael Bernal, kabilang ang Nunal sa Tubig (1976), Ikaw ay Akin (1978), City After Dark (1980) at Himala (1982), at gayudin ng Jaguar (1979) ng isa pang Pambansang Alagad ng Sining na si Lino Brocka. Si Raval ang nagpakilala ng at nag-experimento sa ethnic jazz, kumbinasyon ng etnikong musika at musical instruments para sa improvisational na kalidad ng jazz music. Ang resulta ay bago at makapangyarihang idioma sa musikang Filipino sa pangkalahatan, at musikang pampelikula sa partikular.

            Sa jazz na ginamit ni Raval sa Ikaw ay Akin, ang modernong mundo ng karanasan ng relasyon at pag-ibig sa syudad ng isang love triangle—isang local entrepreneur na lalake (Christopher de Leon) na may pagawaan ng jeep at dalawang babae, isang liberated (Vilma Santos) sa isang horticulturist (Nora Aunor) – ay nagkaroon ng kontemporanyong tempo, vibe at pagmumundo. May spontaneidad ang pagkilos ng mga karakter sa kanilang iniinungang personal at panlipunang mundo kahit pa rito lamang umiikot ang kanilang sumisikip na gitnang uring aspirasyon at buhay.

            Sa pamamagitan ng tipak ng piano’t string instruments, ang kanilang pagsinta, pagpapalagayang-loob at hinagpis ay nagiging distansyadong karubduban, na isa sa mga piling tema ni Bernal sa mga gitnang uring relasyong familiar na tinalakay sa kanyang mga pelikula. Sa huli, sa pagtatagpo ng dalawang babae, walang musika o tunog ng paligid ang maririnig, dahil walang stereotipong skandalo ang magaganap. Ilang minutong magkakatinginan ang magkaribal na babae at marerealisang hindi naman sila magkaaway.  Patlang na ngingiti’t magbibitaw ng palitan ng ilang salita’t mabilis na maghihiwalay. Saka papasok ang musika sa kagyat na pagdilim at pagpasok ng ending credits para ipaghele sa huling pagkakataon ang pagninilay ng manonood sa kaganapang ng pelikula.

            Magiging elektronikong keyboard at brass ang jazz fusion sa kontrobersyal na pelikulang City After Dark para likhain ang artifisyalidad ng syudad sa panahon ng diktaduryang Marcos, at sa partikular na pangangasiwa ni Imelda Marcos at kanyang bisyong “City of Man” para sa sapilitang pagbubuklod sa mga munisipalidad at syudad na bubuo ng Metro Manila bilang unang gobernador. Sa mga pelikula ni Bernal, maraming ganap– labis ang nakikita, naririnig, nadarama at natutunghayan sa iba’t ibang eksena sa iisang panahon at sandal – napagsanib ng jazz fusion music ni Raval ang kalabisang ito, ang pumuputok na panahon at sandal na nag-uumapaw na magkaroong ng expresyon at representasyon. 

            Sa katapusang eksena ng bangengeng si Alex (William Martinez) na katatapos lamang dumaan sa isang gabi’t magdamagang peligro sa buhay, kasama ng iba pang mga estranghero ng syudad, hilo-hilo itong maglalakad at tumatanaw sa gumigising na syudad ng mga nag-eehersisyong mga tao, papasok sa opisina’t pinagtatrabahuan, at iba pang kinetikong kumikilos para batiin ang bagong umaga. Maliban kay Alex na mahihiga sa damuhan sa parke, nagsusumamo sa bagong araw ang syudad kahit hindi lahat ay nakakasabay at nakakaabante. Malaki ang tunog ng jazz fusion music ni Raval para gawing mas alienado si Alex sa lipunan, at ang lipunan sa kanya; at ang manonood sa pinapanood na syudad, at ang pinapanood na syudad na manonood.

            Sa Jaguar, magbubukas ang pelikula sa pag-eehersisyo ni Poldo (Phillip Salvador) bilang paghahanda sa kanyang duty, magagayak at maglalakad sa eskinita ng komunidad ng maralitang lungsod na may non-diegetikong musikang may titik, awit ng isang lalake. Mawawala ang awit hinggil sa karaniwang tao’t magsisimulla na ang saga ni Poldo bilang sekyu at bodyguard na mapapalapit sa kanyang amo. Sa pag-ako ng krimeng pagpatay ng amo, babalik sa komunidad ng maralitang lungsod si Poldo, makikipagniig sa kanyang sinta (Amy Austria) na may umaalingawngaw na paulit-ulit na elektronikong musika sa background.

            Magkakaroon NG sona, isang operasyong pulis kung saan kinukoral ang mga kalalakihan para imbestigahan ang hitsura ng mga naitalagang kriment. Muling tutunog ang elektronikong musika habang nag-aanunsyo ang pulis at kumakahol ang mga aso. Madadagdagan ang isang elektronikong musika ng iba pang instrument at saklaw na musika. Makikipagbakbakan si Poldo sa mga pumipiligil sa kanyang pagtakas. Sa nasusunog na bundok ng basura na tinungo, sa pagtugis ng pulis, makukubkob si Poldo. Nilikhang distansyado ang musika sa emosyonal na bigat ng bagaheng dinadala ni Poldo kahit pa integral ang spontaneidad ng jazz fusion ni Raval. Mag-isa sa kulungan para mabulok, ang alingawngaw ng elektronikong musika ay papalitan ng upbeat na awit mula sa unang eksena. Naka-closeup shot kay Poldo, mag-isa sa kulungan at talunan sa mundo na ang nadirinig ay ang mabilis na awit hinggil sa karaniwang tao.

            Prominente sa mga pelikula ang musika ni Raval at ng Vanishing Tribe. Ipinakilala, nag-experimento at ipinalaganap niya ang jazz, jazz fusion, at ethnic jazz fusion sa musikang pampelikula sa antas na napakataas ng kalidad at integridad.  Nagkaroon ng identidad ang bulto ng kanyang musikang pampelikula– sa tinaguriang ginintuang edad sa pelikulang Filipino dahil sa kalidad at politika ng maraming pelikulang nakipagdiscurso sa diktaduryang Marcos– ang musika ni Raval at Vanishing Tribe ay humalaw sa etnikong musika para sa kalinangang taal, pinagsanib sa jazz para sa spontaneidad na ipinapahintulot nito, bilang musikang pagdalumat sa karahasan, kakiputan, at mapanupil na pagmumundo ng politikal na rehimen.

            Ipinanganak si Raval sa Laoag City, Ilocos Norte. Sa panayam sa Liwanag at Dilim (2013), sabi niya,

            “May paboritong kuwento, ang nanay ko: Piyesta raw ng Laoag City, nanonood kami ng prusisyon mula sa veranda ng aming bahay. Nasa dulo ng prusisyon ang banda, tinutugtog ang “Dios de Salve, Maria…”. Umalis daw ako sa veranda pumunta ako sa piyano, at tinugtog ko ang unang bara ng kanta, na tama ang tono at tempo. Mga tatlong taon daw ako noon. Sabi raw ng tatay ko, “Musikero ang anak natin.” Ikinuha nila ako ng iano tutor. Limang taong gulang ako sa aking unang piano recital. (https://uclaliwanagatdlim2013.wordpress.com/2013/05/21/si-winston-raval-jazz-pianist-composer-arranger-musical-director/)

            Nagtapos si Raval ng AB Political Science sa San Beda College noong 1967, at nag-enroll sa University of the Philippines College of Music (1981-1984). Naging bahagi si Raval ng iba’t ibang grupong pangmusika, kabilang dito ang SixHalves na tumugtog sa Saigon (ngayon ay Ho Chi Minh City) noong panahong ng digmaang Vietnam; Boy Camara and the Afterbirth noong panahon ng batas militar; at grupong Music & Magic at Bourbon Street.

            Binuo ng mga dating kasamahan sa banda at dating session musicians ang Vanishing Tribe. Ani Raval, “Nakilala kami sa klase ng musika na gumagamit ng mga katutubong instrument gaya ng kulintang, gong, gabbang, kudyapi, banduria, at inihahalo sa Moog synthesizer at iba pang electric instruments upang makabuo ng musika sa tradisyon ng jazz” (Liwanag at Dilim). At sa pangalan ni Ravl nakilala ang grupo sa musical scoring sa 21 pelikula, kalakhan ay kay Bernal. Dagdag ni Reuben Domingo, isang documentary filmmaker, cineaste at kaibigan ni Raval, “The Vanishing Tribe came into being shortly before the Raval-Bernal association. Then current tribal members were Caloy Rufo (guitar, sitar, banduria), Jun Lucas (bass, ethnic instruments), Claude Baria (trombone, also a co-arranger), and band leader Raval (piano, synthesizers, composer). Before them was the opportunity to create music for film, to undergo a cinema mentorship with film master Bernal, as well as get a lucrative profession in an industry which was difficult to break into (Liner Notes of the CD Anthology).”

            Ayon pa kay Domingo, ang mga impluwensya ni Raval ay mga “modern classical Raval, Debussy, or Stravinsky as well as by jazz maestro Ellington, Monk or Coltrane. Obvious as well are by Filipino traditional themes or kundimans, and of avant garde sketches and the mentorship from friend and mentor Dean Ramon Santos (College of Music, University of the Philippines). He cannot specifically identify where passages and treatments sources come from but credits a collective experience from which he can access at any time to paint his cinematic canvas.”

            Ang relasyon ni Bernal at Raval ay nagbunga ng isa sa pinakamatibay na artistikong relasyon sa pelikula. Sab inga ni Domingo, “Bernal took on Raval for their first collaboration in Lumapit, Lumayo ang Umaga, Dalawang Pugad, Isang Ibon (1977), Hindi Kita Malimot (1982) and takes it a notch higher in a world of perversion and anguish in our contemporary world as in Ikaw Ay Akin and Relasyon (1982).”

Bawat bagong pelikula, may bagong atake at experimentasyong musikal ni Raval. “For Bernal’s playful cinema like Bilibid Boys (1981), Raval used macho hit makers Hagibis for its theme song and took advantage of pop and rock passages for the segues and punch lines. Raval utilized a lot of horns and avant-garde music as well as improvisational scoring techniques.

            “Experimentation was an opportunity at the newly established Cinema Audio facilities in the late 70’s. But experimentation started as early in Nunal sa Tubig. In Nunal, the Vanishing Tribe integrated synthesizer music with Filipino ethnic instruments to create an eerie and haunting steaming rural landscape by the bay. It is with the same instruments that they utilized to provide an action driven drama for Boy Kodyak (1979). Sketches between the sitar and gabbang ensemble or the Jews harp with gabbang and cello created new musical experiences reminiscent of Bollywood action or a Mon Santos chamber piece. And then there are the modern sketches of Manila and its contemporary music in Tisoy (1977) and City After Dark/Manila by Night.” 

            Kaya nananatiling bago at makabago ang musikang pampelikula ni Raval ay dahil malapit ang olaborasyon niya kay Bernal at sa bisyon nito sa bawat pelikula. “With Raval’s musical scoring, instrumentation separated different pictures from each other. The horns and progressive electronic treatment of Bilibid Boys differentiated it with the funky farcical Salawahan (1979) or with suspense ethnic percussive sound of Boy Kodyak, while Raval’s keyboard played a familiar improvisation thread.”

            May pelikula rin si Raval kina Brocka at Emmanuel Borlaza, pati paglalapat ng musika sa balitang magazine sa telebisyon, “Metromagazine.”

            Para sa kanyang paggamit, experimentasyon at pagpapaunlad nang mataas na kalidad na jazz at ethnic jazz fusion sa musikang pampelikula sa bansa,

            Para sa natatanging orihinal na musikang pampelikula na nagpaalagwa ng mga eksena at naratibo ng bawat nilapatang pelikula, na may hamig sa paghahanap at pagbibigay ng musikal na representasyon sa pagka-Filipino at diwang nasyonalismo sa panahon ng diktaduryang Marcos,

            Para sa malagim, nagbabanyuhay at nakikibakang lyrisismo ng musikang pelikula na nagdulot ng spontaneidad ng sabayang pagkakulong at pag-alagwa ng mga karakter sa loob at manonood sa labas ng pelikula;

            Para sa pag-angat ng musikang pampelikula sa antas na hindi napantayan ng kanyang kahenerasyon, at patuloy na nagbibigay na inspirasyon sa sumusunod na henerasyon ng music scorers,

            Para sa pag-angat ng musikang pampelikula sa antas na hindi napantayan ng kanyang kahenerasyon, at patuloy na nagbibigay na inspirasyon sa sumusunod na henerasyon ng music scorers,

            Para sa natatanging kontribusyon sa music score sa pelikula, ang Natatanging Gawad Urian ay ipinagkakaloob kay Winston Raval (Vanishing Tribe) ngayong 14 Hunyo 2018 sa ika-41 Gawad Urian.

Winston Ravel Filmography

KASAMA SI ISHMAEL BERNAL BILANG DIREKTOR

Lumapit, Lumayo ang Umaga (1975)

Nunal sa Tubig (1976)

Tisoy (1977)

Dalawang Pugad, Isang Ibon (1977)

Ikaw ay Akin (1978)

Lagi na Lamang Ba Akong Babae? (1978)

Boy Kodyak (1979)

Salawahan (1979)

Girlfriend (1980)

Sugat sa Ugat (1980)

City After Dark/ Manila by Night (1980)

Bilibid Boys (1980)

Pabling (1981)

Ito ba ang Ating Mga Anak (1982)

Galawgaw (1982)

Relasyon (1982)

Hindi Kita Malimot (1982)

Himala (1982)

Jaguar (Lino Brocka, 1979)

Gusto Ko Siya, Mahal Kita (Emmanuel Borlaza, 1980)

Yakapin Mo ‘ko Lalaking Matapang (Emmanuel Borlaza, 1980)

Back to Natatanging Gawad Urian