2021 Natatanging Gawad Urian

LAV DIAZ

NATATANGING GAWAD URIAN 2021

Ang Sining ng Politika and Politika ng Sining ni Lav Diaz

Rolando B. Tolentino

Kung si Lino Brocka ang kinilala ng global art film market bilang representatibong direktor mula sa Filipinas noong 1970s hanggang 1980s, si Lav Diaz naman simula 2000 na lalong pinagtibay ng sustinidong produksyon ng mga natatanging pelikula hanggang sa kasalukuyan ang pinakasikat—kilala at respetado–na Filipinong direktor sa ibang bansa.  Ang mga pelikula ni Brocka ay mga dramatikong rendisyon ng mga abang uring nabubuhay sa kahirapan, nangangarap ng pag-angat sa buhay, ng kawalan-katarungan at madidilim na ending na may malinaw ng may panlipunang komentaryo.  Pero komersyal na direktor din si Brocka at marami sa mga komersyal na pelikula niya ay mga box-office hit.  Politikal si Brocka at lider ng kilusang kultural laban sa sensura at elistismo ng kultura ni Imelda Marcos, at para sa kalayaan sa malayang expresyon.  Kasama siya sa maraming mayor ng pagkilos hanggang bago ito namatay noong 1991. 

              Bagamat nagsimula si Diaz sa kasumpa-sumpang modelo ng komersyal na produksyon ng pelikula sa bansa noong 1990s, ang pito-pito o pantukoy sa mga pelikulang na-pre-prod, shoot at post-prod ng tig-pipitong araw, kahit pa nakapagluwal din ito ng mga natatanging mga pelikula nina Mario O’Hara at Jeffrey Jeturian ay inigpawan na ni Diaz ang studio filmmaking at pumalaot na sa kanyang uri ng artisanal filmmaking na magiging karakteristiko ng sumunod na yugto ng pelikulang Filipino—ang indie film at cinema na pinamutiktikan ng mga batang direktor na nais gumawa ng unang pelikula kahit pa maliliit ang inaalok na seed grant mula sa mga nagtataguyod nitong mga indie grant and film festival na organisasyon.  Ang mga pelikula ni Diaz ay mahahaba at nauukol sa morality tale ng mga tauhang nakakulong dito at nananatiling nakaangkla ang predikamento sa yugto ng nauna sakanila na kasaysayan o kinalimutan matapos. 

              Nakapagpaunlad si Diaz ng idioma ng slow cinema—payak, matipid, matulain, internal ang maraming hinagpis, mapagnilay, namumutiktik sa long takes o babad na mga eksena, meditatibo—at naimbitan at pinarangalan sa maraming kumpetisyon sa mga kinikilang international film festival.  Gamit ang lenggwahe ng slow cinema na unang binanggit ng kritikong Michel Cement noong 2003 para sa mga nauna’t kasalukuyang mga pelikula ng ilang global na direktor, ginawang hayagang politikal at kontraryo ito ni Diaz—pati slow cinema to the max na labing-isang oras na pelikula.  Politikal ang mga pelikula ni Diaz dahil sa pagtalakay nito sa mga buhay hindi lamang ng nasa laylayan kundi ng inetsapwera sa lipunan.  Bukod dito, may malinaw ding pagtalakay sa mga politikal na isyu tulad ng martial law sa Mindanao noong 1970s, summary executions at extrajudicial killings o tortyur at fasismo ng militar at ng pamahalaan, o awtoritarianismo sa hinaharap halimbawa bukod pa sa maraming pagkakataon, may pag-uugnay ang kwento ng mga tauhan sa yugto ng batas militar at ng diktaduryang Marcos bilang impetus ng internal o external na pagkakahon ng tunggaliang nagaganap sa mga tauhan. 

              Sa prolongasyon ng sandali at panahon sa slow cinema ni Diaz, babad na long takes, umaabot hanggang labing-isang  oras ang isang pelikula, naiinternalisa ng gitnang uring manoood ang pisikalidad at mentalidad na pinagdadaanan ng mga tauhan, napapagnilayan ang mga pinagdaraanan nito, ang mga pakikisalumuha sa pag-iisa at kapwa, kapaligiran at ang absent na kapangyarihan, at kung bakit natatangi ang mga pelikulang ito bilang isang natatanging filmikong kaganapan (event).  Sa sandali ng panonood ng mahabang pelikula, ito lang ang mundong pinagdadaluyan ng karanasan, at ang manonood ay naipapaloob at pumapaloob sa textura ng pelikula, nagiging pangalawang balat o extensyon ng pelikula ang katawan ng manonood dahil pinili naman ng manonood na maging bukas, tumunghay, danasin, magtrabaho sa panonood ng pelikulang pinag-iisip ang manonood.

              Ang tinutuligsa ng slow cinema na fastfood cinema, halimbawa ng Hollywood at lokal na studio, ay hitik sa aksyong magpapaigting ng sukdulang efekto sa manonood, nakatuon sa intensifikasyon ng emosyon sa loob ng dalawang oras na naglalaho ang natatanging pagkato ng manonood, at naging bukas na bukas ang kamalayan sa pag-ako ng ideolohikal na proyekto nito:  ang pagiging konserbatibong global na gitnang uring kabataang mamamayan.  Walang laban ang manonood sa orkestrasyon ng pagnanasa (desire) sa konsumpsyon, pananalig sa mga institusyon, at reaksyonaryong sistema ng pagpapahalaga.  Sa idioma ng slow cinema ni Diaz, walang pananakop sa kamalayan dahil ang plataporma ng sining at politika ng slow cinema ay anti-First Cinema o Hollywood at studio kaya may puwang para sa negosiasyon at interaksyon ang pelikula at manonood, kung papayag ang manonood, ang sensorial at mental high sa karanasang ito, pati na rin ang politikal na paksa at pagtutuos na sinisiwalat ng pelikula.  Ang pagiging hayagang politikal na filmmaker ni Diaz ay lumalabas sa kanyang mga pahayag, kumbersasyon sa mga skolar at film journalists, at mga panulat.  Kung si Brocka ay sa arena ng parliament of the streets madalas na mababatid ang kanyang politikal na tindig, pati na rin ang pagbatikos kay Imelda at ang diktaduryang Marcos, si Diaz ay isinisiwalat ang politikal sa matulain at mapagnilay na sintesis sa kanyang filmmaking praxis na may alingangaw sa mga manonood, skolar at iba pang artistang sumusubaybay sa kanya.

              Bagamat salat sa lokal na manonood, mataas ang turing sa natatanging filmmaking praxis ni Diaz ng mga piling gitnang uring tumatangkilik, lalo na ng sektor ng sining at akademya pero lalong mataas ang kultural na kapital ni Diaz sa global na art cinema.  Sa mga Filipinong direktor, pinakamaraming exposure at gawad ang mga pelikula ni Diaz sa global art cinema.  Ang Batang West Side ay best picture sa Singapore International Film Festival at sa Independent Film Festival of Brussels. Ang Herenias: Unang Libro ay special jury prize sa Fribourgh International Film Festival 2006.  Ang Death in the Land of Encantos ay piniling closing film sa Orizzonti Section ng Venice International Film 2007, at pinarangalan ng Golden Lion Special Mention.  Ang Melancholia ay nakamit ang Orizzonti Grand Prize sa 65th Venice International Film Festival noong 200, at ang Florentina Hubaldo ay best film sa Images Festival sa Toronto at sa Jeonju International Film Festival noong 2012.

              Ginawad sa kanya ang Guggenheim Fellowship noong 2010 at naging kasapi ng board of directors ng Cine Foundation International noong 2012.  Tinawag siya ng Venice Film Festival na “the ideological father of the New Philippine Cinema.”  Maganda rin ang resepsyon sa kanyang unang partisipasyon sa Cannes Film Festival noong 2013 na ang Norte: Hangganan ng Kasaysayan ay napasama sa seksyong Un Certain Regard at nagresulta sa maraming positibong rebyu, tulad ng “one of the most beautiful films seen in Cannes” (Jacques Mandelbaum, Le Monde), “quite possibly the best film there” (Daniel Kasman, Mubi), “a superb piece of focused narrative” (Jonathan Romney, Screen)—na nagpalawalak ng interes sa kanya at nakatamo imbitasyong maging kasapi ng jury sa FID Marseille at presidente ng jury sa Locarno Film Festival noong 2013.

              Nakamit ng Mula sa Kung Ano ang Noon ang Golden Leopard sa Locarno Film Festival noong 2014, at ang Hele sa Hiwagang Hapis ay nanalo ng Silver Bear Alfred Bauer Prize sa Berlin International Film Festival at Ang Babaeng Humayo ang nagkamit ng Golden Lion Prize sa 73rd Venice International Film Festival na kapwa nakamit noong 2016. Ang Panahon ng Halimaw ay nasa kumpetisyon sa 68th Berlin International Film Festival noong 2018, at ang Lahi, Hayop ay naggawad kay Diaz ng best director  (Horizons) sa 77th Venice International Film Festival noong 2020.  Bukod pa sa pagkakamit ng mga parangal sa ibang bansa, ang mga pelikula rin ni Diaz ay ginawaran ng FAMAS, Star Awards at Gawad Urian.

              Para sa kanyang kontribusyon sa paggamit sa sining at kultura sa pagpapaunlad ng mga lipunan, pinarangalan siya noong 2014 bilang Prince Klaus Laurete, “A visionary filmmaker Lav Diaz radically re-imagines cinematic time ang space.  His films in ‘real’ time to immerse the viewer in deep reflection on Filipinon history and experience, exploring themes of violent fascism, corruption, discrimation and poverty, and challenging the superficial commercialism of the global film industry.” (https://princeclausfund.org/laureate/lav-diaz)

              Pinakamarami ring pag-aaral at skolarsyip ang mga pelikula at ang pagiging auteur ni Diaz.  Pinakatampok dito ang librong Sine ni Lav Diaz: A Long Take on the Filipino Auteur na edited nina Patrichay Patra and Michael Kho Lim (UK: Intellect Ltd, 2021) na may laman ng mga sampung kritikal na sanaysay ng mga skolar, panayam at parangal kay Diaz at ang Conversations with Lav Diaz 2010-2020 ni Michael Guarneri (Amsterdam:  Idea Books, 2020). Si Gil Quinto ang nagsulat ng pinamakamasaklaw na pag-aaral hinggil sa buhay at pelikula ni Diaz sa “Lav Diaz: New Directions in World Cinema A Biographical Essay,” Direk: Essays on Filipino Filmmakers na edited nila Clodualdo del Mundo, Jr. at Shirley O. Lua (Eastbourne: Sussex Academic Press, 2019).  Ang skolar ng Southeast Asian cinema May Adadol Ingawanij ay sinulat ang “Philippine Noir The Cinema of Lave Diaz” sa New Left Review 130 (Hulyo-Agosto 2021).  Marami ring masteral na tesis at doktoral na pag-aaral ang nasa pipeline hindi lang mula sa skolar sa bansa kundi maging sa ibang bansa.  Patunay na may critical mass ang mga pelikula at ang filmmaking ni Diaz dahil ang slow cinema ay hindi naman talaga popular na anyo ng pelikula, hindi pang-aliw o entertainment ang pangunahing layon at kung gayon, hindi ang panghahatak ng pinakamaraming bilang ng nagbabayad na manonood ang gustong efekto.

              Interesanteng tinahak ni Quinto ang naging buhay ni Diaz at kung saan matutungyahan ang sandali o yugto ng kanyang buhay sa kanyang mga pelikula  Dito ako mayor na hahalaw ng biograpiya ni Diaz.  Nagsimula ang lahat nang ang bagong kasal na mga magulang nito na Ilokanong ama na taga-Nueva Ecija at ang Ilonggang ina mula sa Iloilo ay nag-volunteer  bilang pioneer teachers (social workers naman kay Guarneri) sa Datu Paglas, Maguindanao na sa panahong iyon ay malaking lugar na wala man lang kalsada  at maputik ang paglalakad na madalas ay sa laylayan ng mga ilog at lawa, nasa gitna ng kagubatan at may malawakang kahirapan.  At tunay sa nosyon ng pioneer, ang account ni Quinto ay nagsabing namuhay sila kasama ng mga iba’t ibang katutubo, Muslim at settler na Kristiano, na ang mga magulang ang nagtayo ng eskwelahan at nagturo pati ng kalinisan sa pangangatawan bukod sa regular na sabjek, at na may bansang Filipinas at sila ay kabahagi nito.  Dito ipinanganak si Diaz noong Disyembre 30, 1958, at ang kamuwangan nito sa panitikan nay magmumula rin sa amang may interes sa nobela at kulturang Ruso kaya nga Lavrente ang ipinangalan sa sanggol mula sa historikal na pinuno ng Soviet secret police ni Stalin na pinaslang sa coup d’etat ni Krushev. 

              Pangatlo sa limang magkakapatid, biglang hindi nakalakad si Diaz at ipinapagamot sa mga doktor, hilot at tradisyonal na manggamot sa lugar hanggang sa may doktor na may treyning sa U.S. ang nakagamot pero matapos ng yugto ng malalaking karayom, walang katapusang masahe, pagbabad sa mainit na tubig na may langis na inakala nang tumandang Diaz na nagbigay sa kanya ng leksyon na lumaban, higitan ang pagdurusa, at unti-unti kahit masakit humakbang  muli, hanggag sa gumaling ito.  Dahil walang kuryente at mahilig magbasa ang mga magulang, binabasahan ang magkakapatid kundi man hinahayaang magbasa, at matutuklasan ni Diaz ang mga nobela ni Fyodor Dostoyevsky.  Madalas mag-isa o tila nag-iisa siya at ang kanyang pamilya sa napakalayong lugar na kahit ang kanilang tangkang pagtatanim at pag-aalaga ng hayop ay pumaling lalo na sa panahon ng implementasyon ng mas brutal na martial law sa Mindanao na lalo pang nagpabigat sa buhay ng mamamayang labis ang kahirapan, na kahit pinaliligiran sila ng kabundukan at kalikasan, natunghayan ni Diaz ng mag taong namamatay sa kagutuman o walang katapusang naglalakad ng nakayapak para makalikas sa militarisasyon, at iba pang dumaranas ng mabigat na pighati at pagdudurusa.

              Ang unang engkwentro ni Diaz sa pelikula at ang pagmamahal sa pelikula ay ang dalawang oras na biyahe sa hindi sementadong kalsada patungo sa bayan ng Tacurong na may apat na sinehan.  Ang dalawang sinehan na nagpapalabas ng Pinoy blockbusters tulad ng mga pelikula nina FPJ at Guy and Pip ay pag-aari ng isang negosyante.  Ang ikatlong sinehan ay nakatuon sa fantasy films tulad ng Dysebel at Darna, at ang ikahuli ay pagmamay-ani ni Mr. Talmadge, taga-France, na may Bisaya na asawa na may prints ng dalawang klasikal na pelikulang Ikiru and Aguirre, Wrath of God na ipinapalabas kapag hindi dumarating ang inrentang mga pelikula para sa double-bill.  Hindi naman ininda ni Diaz ang mga karanasan sa pelikula at narealisa na lamang ang halaga nito nang mapadpad siya sa Maynila at mag-Mowelfund kung gaano kadakila ang mga ito.

              Tutuntong ng kolehiyo si Diaz sa Atene de Manila University pero mapapabalik sa Mindanao dahil sa lumalaking giyera roon at sa pag-aalaala sa kanyang pamilya roon.  Lilipat siya sa Ateneo de Davao at dahil sa pagsangkot sa gulo sa frat, masisipa at magtatapos sa Notre Dame University sa Cotabato na may degree ng Economics.  Noong nasa kolehiyo siya, nagbuo siya ng banda, Cotabato, at pinangarap magbase sa Olongapo City.  Dito rin siya unang kumita para suportahan ang kanyang asawa.  Nagpakasal siya noong nasa third year college lamang siya.  Nagplano siya ng ikalawang kurso sa UP pero para makuha ang suporta ng kanyang magulang, nag-aral siya ng Law sa UE na iniwan niya matapos ng unang taon.  Nadiskubre niya ang librong Writing for Film ni Clodualdo del Mundo, Jr at dito niya ginustong maging filmmaker.  Inilipat niya ang kanyang pamilya sa Maynila noong 1983, ang pagtindi ng politikal na kaguluhan sa bansa dahil sa pagpaslang kay Ninoy Aquino.

              Nagtrabaho siya bilang scriptwriter sa Balintataw at Batibot noong 1980s.  Natanggap rin siya sa una sa mga scriptwriter workshop ni Ricky Lee at sa Mowelfund, at nakagawa rito ng dalawang maiikling Super-8 na pelikula, Banlaw (1986) at Step No, Step Yes (1988).  Sa isa sa mga workshop sa Mowelfund, natunghayan niya si Lamberto Avellana at tumimo sa utk nito ang sinabi ng direktor, “Hanapin ninyo ang sariling nating pagkantot.  May sariling pagkantot ang Pilipino.”  Nagsulat siya para sa komiks na nobela, at nanalo sa Palanca Literary Contest para sa mga kuwentong “Pula, Puti at saka Blu at Marami Pang Korol” (1990) at “Ang Pinagdaanang Buhay ni Nano” (1991).  Natanggap niya ang FPJ Fellowship in Scriptwriting na spinonsor ng action king, ang kanyang bayani sa pagkabata, at napili sila ni Manuel Buising  na magtrabaho para sa artista na unang nagbigay kay Diaz ng direktang karanasan sa komersyal na paggawa ng pelikula.  Bago siya ma-burnout, lumipat siya bilang manunulat sa People’s Journal at Taliba, nagsulat ng rebyu ng musika at pelikula sa Jingle chord book magazine, at sa Manila Standard, pati na rin ng scripts sa Balintataw, bilang proofreader ng isang sport magazine, book salesman sa araw, at pagsusulat ng mga kwento para sa komiks at ng hindi maisasapelikulang mga script.

              Ang isang video documentary niya ukol sa street children ay naimbitahang maging bahagi ng touring multimedia show sa U.S. na nagdala sa kanya sa New York noong 1992.  Nakilala niya rito si Lito Gajilan na naglalathala ng dyaryong Filipino Express at dito nagsulat ng rebyu ng mga pelikulang nasa VHS  para sa mga Filipino stores sa Jersey City, pati na rin manual na gawain para sa pag-iimprenta ng dyaryo.  Nagbukas kay Diaz ang Film Forum, Metro, Anthology Film Archies, Cinema Village, Bleeker Street Cinema, Thalia at Museum of Modern Art na nagbigay sa kanya ng akses sa mga kilalang pelikula ng buong daigdig.  Natunghayan din niya ang New Wave at punk music dahil ang inuupahan niyang basement na kwarto sa Jersey City ay malapit sa CBGB music club.

              Siya ay naging assistant director  kay Gil Portes para sa shoot nito sa New York ng Minsan May Pangarap, at noong 1994, batay sa orihinal na kwento at script ni Eric Gamalinda, nag-shoot siya ng pelikulang may working title na “Ebolusyon ni Ray Gallardo” sa tulong ng mga kaibigang pumayag maging crew, at gamit ang budget mula sa dagdag na pagtratrabaho niya bilang waiter at gasoline attendant.  Nakadagdag sa budget ng pelikula ang on and off na suporta rin ni Paul Tanedo na nakadepende rin sa pasok ng kita nito.  Umuwi si Diaz sa Pilipinas noong 1996f para mag-shoot, at naghanda rin sa paglipat ng kanyang asawa at tatlong anak sa U.S. na naging mahirap na desisyon para sa kanya.  Noong 1997, nagpatuloy ang shoot sa U.S. pero parating said sa budget para ituloy ito. 

              Dito naisipan niyang pumasok sa nagbukas na trabaho sa pelikula sa Filipinas.  Napasok si Diaz sa pito-pito filmmaking ng Regal Films para sa supply ng mga pelikulang palabas sa ABS-CBN.  Gusto ng prodyuser na Lily Monteverde ng isang pelikula hinggil sa mga lalakeng nagtratrabaho sa fastfood.  Dito nailuwal ang payasong pelikulang Burger Boys na magiging ikalawang pelikula ni Diaz.  Ang una ay ang seryosong Serafin Geronimo: Kriminal ng Barrio Concepcion na halaw sa nobela ni Dostoyevsky Crime and Punishment mula sa screenplay na sinulat niya sa Nueva Ecija at nanalo sa screenwriting contest ng Film Development Council of the Philippines.  Ang ikatlo ay ang diskarte ni Diaz sa sex-oriented  films sa pelikulang Hubad sa Ilalim ng Buwan na unang makikitaan ng ilang stilong tutuntungan ng idoma ng slow cinema ni Diaz.  Para sa huling dalawang pelikula, napapayag niya si Monteverde na dagdagan ang kanyang budget para sa rolyo ng pelikula, at huwag na siyang bayaran bilang direktor.

              Ang Serafin Geronimo ay makakakuha ng anim na nominasyon sa Gawad Urian at maiimbitahan sa mga film festivals sa Toronto, Chicago at New York.  Ang Hubad ay maiimbitahang ipalabas sa Berlin International Film Festival at sa Lincoln Center sa New York.  Noong nasa U.S. pa lamang, nanalo na rin sa Palanca si Diaz para sa script na “West Side Avenue, JC.”  At ito ang magiging susunod na proyekto sa itinatag na Sine Olivia ni Diaz, parangal sa nag-iisang kapatid na babae na biglaang nasawi sa isang aksidente sa kotse noong 1992.  Ang Batang West Side ay ang ikalawa sa huling pelikula sa celluloid na shinoot ni Diaz, at ang huli ay Hesus, Rebolusyonaryo na ipinalabas sa sumunod na taon.  Mula rito, at sa unang digital film, ang siyam na oras na Ebolusyon ng Isang Pamilyang Pilipino, sustinido ang produksyon ng pelikula ni Diaz hanggang matutunghayan ang kanyang natatanging filmikong stilo gamit ang idioma ng slow cinema na may politikal na agenda, mensahe, pasintabi kundi man, matapang na deklarasyong magpapaiba sa kanyang mga pelikula mula sa nauna sa bansa at sa mundo, pati na rin ang yugto ng The Brockas mula sa naunang hinahangaang direktor, ang binuong banda kasama sina Khavn de la Cruz at John Torres, mga nauna sa henerasyon ng indie filmmakers sa bansa.

              Matutunghayan ang iba’t ibang yugto ng interesante kundi man makulay na buhay ni Diaz—mula sa pagkasilang at kamusmusan sa liblib na lugar ng Mindanao, ang unang karanasan sa pelikula sa mga sinehan sa karatig-bayan, pag-aaral sa tatlong kolehiyo, pag-aasawa at pagpapamilya ng maaga, pagiging musikero, paglipat at pagtrabaho sa Maynila at higit na exposure sa workshops ni Ricky Lee, ng Mowelfund at sa komersyal na pelikula ng FPJ Productions, pagpunta sa U.S. at sa ibang mundo ng migranteng trabaho at buhay, ng mas malawak na sining at kultura, pagtungkod ng kanyang sining doon at ang mahalagang preliminaryong pagtatangkang gumawa ng unang pelikula roon na sa kasalatan ng pondo ay makikipagtrabaho kay Mother Lily sa paggawa ng pito-pito with a twist na produksyon at iba pa sa pagitan at matapos ng mga ito—ang mga pinaghahalawang karanasan tungo sa kanyang sining at pelikula:  ang pagkamulat sa sining ng panulat sa mga gawaing kinakailangang makapagsulat, ang etika sa pagtratrabaho para balansihin ang pamilya, trabahong bubuhay sa kanila, at ang maigting na panawagan ng sining, ang migranteng buhay sa East Coast na pudpod ng trabaho at oportunidad ang interes sa mga sining at nagbigay ng tsansang makagawa ng pelikula, at ang pagpalaot at pag-angkla muli sa bansa at seryosong paggawa ng mga unang pelikulang susuhayan ng mayayaman at matatalinong pelikula sa integridad at idioma ng slow cinema ni Diaz.

              Kinikilala ng Manunuri ng Pelikulang Pilipino ang napakahalagang kontribusyon ni Diaz sa pelikulang Filipino at lampas pa rito:

              Para sa paglikha ng mga natatanging pelikulang hitik sa talinhaga na ukol sa mga panahon ng ordinaryong buhay ng mamamayan at ng karahasan na kanilang dinaranas o iniinda sa pang-araw-araw na madalas ay implikado ang ngayo’y kinalilimutan kundi man nirerebisang yugto ng batas militar at diktaduryang Marcos sa bansa,

              Para sa pangunahing pagpapaunlad ng slow cinema at paglalangkap ng politikal na layon at laman sa proyektong ito na kinilala bilang mahalagang kontrbusyon sa pelikulang Filipino at idioma sa world cinema,

              Para sa lupon ng pelikulang maituturing na pamana na patuloy na magpapayaman pa sa pelikulang Filipino sa susunod na mga henerasyon na higit na nagbibigay-kilanlan sa ating kolektibong identidad at kamalayan,

              Para sa kanyang kontribusyon bilang kasalukuyang pinakamaningning na aktibong direktor ng bansa na sinusubaybayan ng cineastes, pinag-aaralan ng maraming skolar sa iba’t ibang bansa, at pinarangalan ng pinakamaraming gawad mula sa mga kilalang  international film festivals,

              Para sa pagsustina ng kapangyarihan ng pelikula bilang sining din ng pagmulat at pagbabago, para sa pagbibigay-inspirasyon sa mga nakababatang direktor at filmmaker sa pagtindig laban sa awtoritarianismo at para sa tunay na pagbabago, para sa pagbibigay ng malikhaing tanglaw sa madidilim na yugto na ating pinagdanan na at patuloy na pagdadaanan pa, ang Natatanging Gawad Urian ay ipinagkakaloob kay Lav Diaz sa ika-44 na Gawad Urian.

FILMOGRAPHY

Lahi, Hayop (Genus Pan, 2020, 2 h 37 m), director, writer, editor, producer, cinematographer

“The World is Cold” segment, Liminal (2020), director

Himala: isang dayalektika ng ating panahon (2020, short), director

Ang Hupa (The Halt, 2019, 4h 38 m), director, writer, editor, producer, cinematographer

“Hugaw/Dirt” segment , Lakbayan (Journey, omnibus film with Kidlat Tahimik and Brillante Mendoza, 2018), director, writer, editor, cinematographer

Mananita (2019), writer

Panahon ng Halimaw (Season of the Devil, musical, 2018, 3 h 54 m), director, writer, editor, music

“Marta” segment, 30 (+) films pour la 30eme (2018, documentary), director

Masla a papanok (2018), cowriter with Gutierrez Mangansakan II

The Boy Who Chose Earth (short, 2018, 2 m), writer, director

Ang Babaeng Humayo (The Woman Who Left, 2016, 3 h 46 m), director, writer, editor, producer, cinematographer

Hele sa Hiwagang Hapis (A Lullaby for the Sorrowful Mystery, 2016, 8 h 5 m), director, writer, editor, producer

“Ang Araw Bago ang Wakas…” segment, Fragment (The Day Before the End, 2015, 17 m), director, writer, editor, producer, cinematographer

Mga Anak ng Unos: Unang Aklat (documentary, Storm Children:  First Book, documentary, 2014, 2 h 23 m), director, producer, cinematographer

Mula sa Kung Ano ang Noon (From What is Before, 2014, 338 m), director, writer, editor, producer, cinematographer

Norte, Hangganan ng Kasaysayan  (Norte, the End of History, 2013, 4 h 10 m), director, co-writer with Rody Vera, editor, producer, cinematographer

Alamat ng China Doll (Legend of the China Doll, 2013), writer

Prologo sa Dakilang Desperado (short, Prologue to the Great Desperado, 2013, 31 m), director, writer

Ang Alitaptap (short, 2013, 2 m), director, writer

Pagsisiyasat sa Gabing Ayaw Lumimot (An Investigation on the Night that Won’t Forget, documentary, 2012, 1 h 10 m), director, writer

Florentina Hubaldo, CTE (2012, 6 h), director, writer

Elehiya sa Dumalaw Mula sa Himagsikan (Elegy to the Visitor from the Revolution, 2011, 1 h 20 m), director, writer

Siglo ng Pagluluwal (Century of Birthing, 2011, 6 h), director, writer, editor, producer, cinematographer, music

Elehiya sa Dumalaw mula sa Himagsikan (Elegy to the Visitor from the Revolution, 2011, 1 h 20), director, writer

Babae sa Hangin (Woman of the Wind, incomplete, 2011), director

“Walang Alaala ang mga Paru-paro” segment, Visitors (Butterflies Have No Memories, short film, 2009, 40 m), director, writer, producer, cinematographer

Purgatorio (2009, 16 m), director, writer

Melancholia (2008, 7 h 30 m), director, writer, editor, producer, cinematographer

Kagadaan Sa Banwaan Ning Mga Enkanto (Death in the Land of Encantos, 2007, 9 h), director, writer, editor, producer, cinematographer

Heremias: Unang Aklat-Ang Alamat ng Prinsesang Bayawak (Heremias: Book One-The Legend of the Lizard Princess, 2006, 9 h), director, writer

“Nang Matapos ang Ulan” segment, Imahe Nasyon (2006), director, writer

Ebolusyon ng Isang Pamilyang Pilipino (Evolution of the Filipino Family, 2004, 9 h), director, writer, editor, producer

Hesus, Rebolusyonaryo (2002, 1 h 52 m), director, writer

Batang West Side (West Side Avenue, 2001, 5 h 15 m), diretor, writer

Hubad sa Ilalim ng Buwan (Naked Under the Moon, 1999, 1 h 50 m), director, writer

Burger Boys (1999, 1 h 43 m), director

Serafin Geronimo: Kriminal ng Baryo Concepcion (1998, 2 h 12 m), director, writer

Galvez: Hanggang sa Dulo ng Mundo (1993), co-writer with Henry Nadong

Mabuting Kaibigan, Masamang Kaaway (1991), co-writer with Tony Mortel, Jose Bartolome and Manuel Buising

AWARDS

Ang Babaeng Humayo

Golden Lion Venice International Film Festival, 2016

Hele sa Hiwagang Hapis

Silver Bear, Alfred Bauer Prize Berlin International Film Festival, 2016

Mula sa Kung Ano ang Noon

Pardo D’Oro (Golden Leopard), Locarno International Film Festival, 2014

Don Quixote Award, Locarno International Film Festival, 2014

FIPRESCI Prize, Locarno International Film Festival, 2014

Junior Jury Award, Environment Is Quality of Life Locarno International Film Festival 2014

Best Actress (Hazel Orencio), Swiss Critics Boccalino Award Locarno International Film Festival, 2014

Best Picture Best Direction, Best Screenplay Best Editing Gawad Urian, 2015

Audience Award, São Paulo International Film Festival, 2014

Audience Award, Best Foreign Feature Film

Best Ensemble Performance Grand Festival Prize, World Premieres Film Festival 2014

Norte, Hangganan ng Kasaysayan

Best Picture, Best Actress (Angeli Bayani), Best Screenplay, Best Cinematography (Larry Manda), Gawad Urian, 2014

Best Film, IBAFF International Film Festival, 2014

Best Film, Nuremberg International Human Rights Film Festival, 2014

Florentina Hubaldo, CTE

NETPAC Prize, Best Asian Film, Jeonju International Film Festival, South Korea, 2012

On Screen Award, Best Film, The Images Festival, Toronto, Canada, 2012

Siglo ng Pagluluwal 

Grand Jury Prize, Cinemanila International Film Festival, 2011

Melancholia

Grand Prize, Orizzonti Prize Venice Film Festival, Italy, 2009

Best Actress (Angeli Bayani), Cinemanila International Film Festival

Kagadanan sa Banwaan ning mga Engkanto

Special Mention, Orizzonti Prize Venice Film Festival, Italy, 2008

NETPAC Prize, Best Asian Feature, Jogja-NETPAC Asian Film Festival, Jakarta, Indonesia, 2009

Silver Hanoman Prize, Best Picture, Jogja-NETPAC Asian Film Festival, Jakarta, Indonesia, 2009

Best Achievement in Cinematography and Visual Design Young Critics Circle, 2008

Best Production Design Gawad Urian, 2008

Ebolusyon ng Isang Pamilyang Pilipino  

Best Picture, Best Screenplay, Best Production Design Gawad Urian, 2006

Best Picture, .MOV International Film Festival ,2006

Ten Best Films of the Decade (Number 6) Cinema Scope Magazine, 2011

Heremias, Unang Aklat: Ang Alamat ng Prinsesang Bayawak

Special Jury Prize, Fribourgh International Film Festival, Switzerland, 2006

Batang West Side

Best Picture, Best Direction, Best Screenplay, Best Cinematography, Best Actor (Joel Torre), Best Supporting Actor (Raul Arellano), Best Supporting Actress (Gloria Diaz), Best Production Design, Best Music, Best Sound, Gawad Urian, 2002

NETPAC Prize and Best Acting Ensemble (Joel Torre, Yul Servo, Art Acuna, Ruben Tizon), Cinemanila International Film Festival, 2002

Best Supporting Actress (Gloria Diaz), Best Cinematography (Miguel Fabie III) Star Awards, 2002

Silver Screen Awards, Best Asian Feature Film Singapore International Film Festival, 2002

Best Picture, Best Actors (Joel Torre and Yul Servo) Brussels Film du Independent Festival, Belgium 2002

Ang Kriminal ng Baryo Concepcion

Best Actor (Raymond Bagatsing) Gawad Urian, 1998

Back to Home

%d bloggers like this: