2008 Natatanging Gawad Urian

KIDLAT TAHIMIK

KIDLAT TAHIMIK: Tagahawan ng landas ng Philippine independent cinema

Rolando B. Tolentino

Kinikilala bilang tagahawan ng landas (pioneer) ng kasalukuyang pamumulaklak ng Philippine independent cinema, si Kidlat Tahimik ay ang kumakatawan sa non-komersyal at malayang produksyon pampelikula sa huling 30 taon.

Tunay na filmmaker (direktor-aktor-scriptwriter-editor-cinematograper) na masaklaw ang panghawak sa independent spirit, installation at performance artist, edukador ng independent filmmaking, jury sa film festivals, katuwang na tagapagtatag ng Baguio Arts Guild, at bumuo ng proyektong video para sa mga Ifugao, si Kidlat Tahimik ay gumamit ng katutubo at avant garde na konsepto sa filmmaking, at napagyaman ang mga ito bilang mahalagang daluyan ng pelikung Filipino.

Halaw sa metapora ng pagtuklas at pagpapalaya ng “sariling dwende” (non-formula ingredients), ang filmmaker ay gumagawa ng “technically unpolished films,” gamit ang “bahag-cum-bamboo-camera” sa pagdramatisa ng “advocacy for films that reflect the indio-genious talents of the Pinoy.” Na bago pa man naisilang ang Philippine independent cinema ng kasalukuyan, nandoon na si Kidlat Tahimik.

Ipinanganak ng 3 Oktubre 1942 bilang Eric Oteyza de Guia sa Baguio City, Benguet, lumaki si Kidlat Tahimik sa pribilehiyadong mataas na uring buhay. Nag-aral siya ng elementarya sa Maryknoll Convent School at ng sekundaryo edukasyon sa Saint Louis High School. Pumasok sa University of the Philippines (UP) sa engineering pero nagtapos sa Speech and Drama. Nahalalal siyang presidente ng bagong tatag na UP Student Council ng 1962-63. Nakapagtapos siya ng MBA (Masters in Business Administration) mula sa Wharton School sa Universityof Pennsylvania.

Napagyaman ng disavowal sa burukratang buhay ang sining ni Kidlat Tahimik. Unang nagtrabaho bilang researcher sa Institute for Economic Development ng UP, lumipat siya sa Paris at nagsulat ng “fertilizer distribution reports” para sa Organization for Economic Cooperation and Development. Noong 1971, nagtrabaho sa isang bukirin si Kidlat Tahimik sa Norway, at nagsimulang matransforma ang sarili bilang artist. Dito ay nagtangka siyang magsulat ng unang dula.

Tumungo siya sa Germany, at para mamaxima ang nagaganap na Munich Olympics, nagdisenyo siya ng Olympic mascot na yari sa capiz. Nang maganap ang hostage massacre, hindi niya naibenta ang kanyang produkto. Naipit si Kidlat Tahimik sa Germany. Nakilala niya ang kanyang magiging asawa, si Katrin Muller, at inimbitahan siyang tumira sa isang artist commune.

Noong 1972, pinunit niya ang kanyang MBA diploma, at namuhay bilang isang artist, na napaigting sa pamumuhay sa kapwa artists sa commune. Sa isang acting sa video na exercise, hinikayat siyang umarte ng substitute teacher na si Werner Herzog sa pelikula nitong Kasper Hauser. Taong 1973 naman ng ipinakilala niya si Lino Brocka sa isang grupo ng finance, kabilang sina Christian Monsod at Vic Puyat para maitatag ang Cinemanila at mailunsad ang obrang Tinimbang Ka Ngunit Kulang.

Taong 1975 ng bumalik si Kidlat Tahimik sa bansa para mag-shoot ng Mababangong Bangungot, kasama ang isang estudyante ng pelikula, si Hartmut Lerch bilang cameraman. Sa taong din ito ipinanganak ang panganay nila, si Kidlat Gottlieb Kalayaan na magbibida rin sa pelikula. Natapos ang pelikula ng 1977, at nagtamo ng International Film Critics Jury Prize (FIPRESCI Award) sa Berlin Film Festival.

Matapos ng screenings ng pelikula sa 20 festivals, ipinakita ni Tom Luddy ng Pacific Film Archives sa Berkeley ang Mababangong Bangungot kay Francis Ford Coppola. Sa panahong ito tinatapos ni Coppola ang Apocalypse Now na shinu-shoot sa Pilipinas. Taong 1981 nang ipakilala ni Coppola ang pelikula ni Kidlat Tahimik sa Amerikanong audience sa pamamagitan ng Zoetrope na kompanya nito. Nag-premiere ang Mababangong Bangungot sa New York City sa James Agee Cinema.

Ito rin ang taong sinimulan ni Kidlat Tahimik ang Turumba. Orihinal na may titulong Olympic Gold ukol sa pamilyang gumawa ng Olympic souvenirs, ang pelikula ay unang naging kabahagi ng anim na shorts mula sa anim na continents na napili para sa German series na Our Father… Gayunpaman, 1979 nang matapos ni Kidlat Tahimik ang ikalawa niyang feature, Sinong Lumikha ng Yoyo at Moon Buggy?, at 1980 naman nagawa ang unang footages ng Memories of Overdevelopment, ukol sa alipin ni Magellan na unang Filipino na nag-circumnavigate sa mundo.

Ipinanganak ang ikalawang anak na si Kawayan ng 1979, at ang bunsong si Kabunyan ng 1972. Ang tatlong anak na lalake ang tatawagin ng kanilang ama na “KKK barkada,” at magkakaroon ng matingkad na papel sa mga pelikula nito. Nasa Robert Flaherty Film Seminar bilang guest lecturer si Kidlat Tahimik nang asasinahin si Ninoy Aquino. Dalawang linggo matapos, nagkita sina Kidlat Tahimik at Brocka sa Telluride Film Festival, at pinag-usapan ang kaganapan sa bansa.

Mula 1983 hanggang 1986, tampok ang mga anak niyang KKK na sumasama sa “yellow rallies,” nakaipon si Kidlat Tahimik ng footage na bubuo ng I am Furious Yellow. Natapos ang dalawang unang chapters noong 1987, at nakumpleto ang walong chapters ng 1994. Ang Turumba ay nagwagi bilang Best Third World Film sa Manheim Festival noong 1983. At 1984 naman nang maging artist-in-residence si Kidlat Tahimik sa East West Center sa Hawaii.

Co-founder si Kidlat Tahimik ng Baguio Arts Guild noong 1986; at nang 1989, informal na nagtipon ang mga batang filmmakers sa Baguio Arts Festival, gumawa sila ng deklarasyong “maging Trojan horses sa industriya ng pelikula.” Taong 1990 nang maging filmmaker-in-residence at professor para sa independent film production sa San Francisco State University si Kidlat Tahimik.

Natapos ang “found footage film,” Why is Yellow the Middle of the Rainbow? Noong 1991, at naging closing film ng Yamagata Documentary Film Festival. Pinarangalan siya ng Film Achievement Award ng Film Academy of the Philippines ng 1993.

Malawak ang kontribusyon ni Kidlat Tahimik sa pelikulang Filipino. Bukod sa sariling maningning na sining sa kanyang pelikulang gumagamit sa alternatibo at katutubong paraan ng paggawa ng pelikula, 1998 nang ipakilala ni Kidlat Tahimik ang “user-friendliness” ng video sa mga Ifugao bilang pagdokumento ng kanilang kultura at tradisyon. Noong 2001, sa CineManila Festival, tinipon niya ang 35 direktor at artist ng pelikula para suriin ang malaganap na “pito-pito” filmmaking, o ang ultra-komersyal na kalakaran ng paggawa ng pelikula sa loob ng pitong araw na gamit ay pitong milyong piso. Sa naturang pulong, ipinakilala niya ang konsepto ni Brocka na “model of cooperation” sa pagitan ng small-stake financiers at “industrial partners,” tulad ng organisadong hanay ng mga direktor, aktor, cameraman, at iba pang maalam sa pelikula.

Taong 2005 nang maging isa sa Asian artists si Kidlat Tahimik sa Venice Biennale Art Festival na nagpalabas ng Mababangong Bangungot, kasama ang installation art na piyesa, “A Tale of Two Godesses of the Wind: Inhabian of Ifugao and Marilyn Monroe of Hollywood.” Naging juror siya sa Yamagata Documentary Film Festival ng 2007, at opening speaker sa “Using Culture to Fight Global Homogenization” sa University of Tokyo.

Kinikilala bilang senior na artist na may malaya at mapagpalayang konsepto ng sining at pelikula, si Kidlat Tahimik ay kabahagi ng tinawag na “Second Golden Age of Philippine Cinema,” at nagpakilala sa international audience sa malikhaing paggawa ng pelikulang Filipino, at nananatiling kabahagi pa rin ng bagong yugto ng Philippine independent cinema, na mayamang humahalaw sa kanyang natamong bisyon at karanasan sa paggawa ng kasalukuyang digital films.

Nagbigay siya ng alternatibong filmmaking—pag-shoot muna at peryo-peryodikong postproduction nito hanggang sa mahinog ang konsepto sa pormang lapat—na humahalaw sa malalim na karanasan ng katutubo ng bansa. Nananatiling artist na may integridad ang katawan ng mga pelikulang nagawa ni Kidlat Tahimik. Ang kanyang patuloy na pagpupursigi sa mga larangang ito, at sa pagtulong at pag-inspire sa sumusunod na henerasyon ng independent at Ifugao na filmmakers ang siyang tampok sa buhay at sining ni Kidlat Tahimik.

Back to Natatanging Gawad Urian

%d bloggers like this: