2000 Natatanging Gawad Urian

NIDA BLANCA

MULA KOMEDI HANGGANG DRAMA: ANG PAMAMAYAGPAG NI NIDA

Rolando B. Tolentino

Kilala na siya bilang tomboy na siga, suwabeng partner sa sayaw, pilyang komedyante at marubdob na ina sa drama. Halos limang dekada na niyang pinagbubuti ang kanyang propesyon. Labing-siyam na award sa pelikula ang kanyang natamo, at anim para sa telebisyon. Isang daan at animnapu’t tatlo nang pelikula ang kanyang nagawa. Patuloy pa rin ang pinagniningning ni Nida Blanca sa kanyang pagtatanghal bilang isa sa, kung Hindi man ang, pangunahing senior na aktres sa bansa, na siyang matingkad na sumisilay sa komunidad ng pelikula at ng manonood ng ilang henerasyon.

Naalala natin si Nida sa mga eksena ng romantikong komedi na kasamang nagsasayaw si Nestor de Villa. O ang makabagbag-damdaming pagsasara ng bintana bilang ina ng karakter ni Dina Bonnevie habang binigkas ang titulo ng pelikula sa Magdusa Ka (1986), at ang pagkumpronta sa anak na naglihim sa kanyang kaalaman hinggil sa ama’t ang babae nito sa Sana Pag-ibigNa (1998). Ang kanyang akting sa unang pagtatagpo ng lumaking anak sa Miguelito, Ang Batang Rebelde (1985) ay isa sa ginintuang sandali sa pelikulang Filipino.

Hindi matatawaran ang naging kontribusyon ni Nida Blanca (Dorothy Jones sa tunay na buhay) bilang aktres sa pelikula at telebisyon. Ang kanyang propesyonalismo sa halos limang dekada ng pagganap ay kahanga-hanga at namumukod-tangi. Binuhay para sa atin ni Nida ang mga sandali at pelikulang nagpatawa, nagpaindak at nagpaluha, na nagbigay-pag-asa sa atin bilang manonood.

Unang nagtangka si Nida na sumali sa amateur singing contest sa DZRH ay naulinigan na lamang niya ang malakas na tunog ng gong, naghuhudyat na kagyat na pagtatapos ng kanyang bilang. Hindi siya nawalan ng loob, sumali ulit sa DZFM at nanalo ng pangalawang gantimpala. Kasama sa mga nanonood ay sina Delia Razon at Armando Goyena. Tinanong siya ni Delia kung interesado siyang maging artista. Lalong nanabik si Nida.

Sinamahan si Nida ni Delia sa iba’t ibang film producer, pero lahat ay tumanggi dahil masyado siyang bata o masyado siyang maliit. Pinahiram siya ni Delia ng high heels at balloon skirt para magmukhang dalaga. Si Doña Sisang (Buencamino vda. De Leon) ng LVN Pictures ang nagkainteres kay Nida. Binigyan siya ng break noong 1951, sa isang pelikula ni Manuel Silos, ang Venus, kasama si Lilia Dizon at Mario Montenegro. Nakilala sa pelikula si Nida sa mga karakter na tomboy, komedyante at ka-partner sa sayaw. Naging ka-partner niya sina Rogelio de la Rosa, Jaime de la Rosa, Armando Goyena, Leroy Salvador, Mario Montenegro, Pancho Magalona, Dolphy, Chiquito, Luis Gonzales at Eddie Mesa.

Mayroon silang rapport ni Nestor de Villa, mapasayaw o komedi man. Matutunghayan ito sa mga pelikulang tulad ng Tumbalik na Daigdig(l953), Hijo de Familia (1953), Squatters(l953), Hiyasmin (1953), Waray-Waray (1954), Luneta (1954), DarlingKo (l955),Talusaling (1955), Ganyan Ka Pata (1956), HandangMatodas (1956), BahalaNa (1956), Turista (1957), Tingnan Natin (1957) at Sebya, Mahal Kita (1957).

Ang tingin ng mga kapwa artista kay Nida ay ungin at magalang. Kilala rin siya sa mabilis na pagsaulo ng kanyang mga linya. Dahil wala pang errand-boy noon, nagboluntaryo siyang gawin ang mga kinakailangan ng kanyang mga ko-star sa set, tulad nina Delia Razon, Rosa Rosal, Lilia Dizon at Tessie Quintana. Matapos, at sa pagitan ng break, suot na niya ang roller skates. Haharurot na ito sa kung saan. Babalik na lamang na basing-basa na ng pawis, na siyang ikakagulat ng make-up artist. Kaya siya binansagang “galawgaw”, Hindi siya dsali sa iisang pwesto. Ginawang pelikula (1954) ang kanyang bansag, kasama si Jaime de la Rosa.

Binansagan din siya bilang “taray”. Nagsimula ito sa isang insidente na nabangga ng isang jeepney driver ang kanyang bagong sasakyan. Sinabihan siya nito bilang na ang tingin sa sarili. Sinampal niya ng makatlong ang driver. Kinabukasan ay inilabas ng Manila Times insidente, at napakat na ang bansag sa kanya. Nabawi lamang ito nang ginawa siyang tagapamagitan ni Kumander Amat ng Partido ng Komunista ng Pilipinas sa kanyang pagsuko sa gobyerno. Makailang-ulit na patagong nakipag-usap si Nida kay Amat, hanggang sa maisaayos ang pagsuko nito.

Unang nakilala sa drama si Nida sa Korea (1952). Ginampanan niya ang papel na isang Koreana, si Lee Ming, na umibig sa sundalong Filipino. Batay sa ulat ni Benigno Aquino Jr. (Ninoy) sa partisipasyon ng Pilipinas sa Korean War, ang pelikula ay nagpanalo kay Nida ng best supporting actress sa unang Filipino Academy of Movie Arts and Sciences (FAMAS) award. Natamo na rin niya ang Metro Manila Film Festival (MMFF) best supporting actress para sa Batu-bato sa Langit (1975); ang Urian, Catholic Mass Media Award (CCMA) at Film Academy award (FAP) para sa best actress sa Miguelito, Ang Batang Rebelde; ang FAP at FAMAS para sa Magdusa Ka; ang FAP, FAMAS at CCMA para sa best supporting actress sa Kid, Huwag Kang Susuko (1987).

Noon pa man ay may interes na si Nida na mag-drama, pero sabi nga ni Dona Sisang, “Iwanan mo na lang ang drama kay Charito Solis.” Gayunpaman, inabot ng 33 na taon pagkatapos ng Korea na muling nakilala si Nida bilang isang dramatikong aktres. Sa telebisyon ay naalala natin siya bilang ang mabuting maybahay sa John en Marsha, na tumagal ng 16 na taon. Ipinamalas niya ang kanyang kakayahan sa pagsasayaw sa Nida-Nestor Show. Ang dalawang palabas ay kabilang sa pinakamatagal na serye sa lokal na telebisyon.Dalawang beses siyang nanalo ng Citizens Awards for Television bilang best female TV performer sa Nida-Nestor Show, at tatlong beses na hinirang ng Pambansang Akademya ng Telebisyon sa Agham at Sining bilang best actress sa John en Marsha.

Bukod sa kanyang patuloy na pagkintal sa kanyang pag-arte, patuloy siyang nagsisilbi sa industriyang pampelikula bilang kasapi ng Board of Trustees ng MOWELFUND (1989 hanggang sa kasalukuyan) at ng Motion Pictures and Television Review and Classification Board (1993 hanggang sa kasalukuyan).

Back to Natatanging Gawad Urian

%d bloggers like this: