1998 Natatanging Gawad Urian

DOLPHY (RODOLFO V. QUIZON)

DOLPHY: Henyo at Hari ng Komedyang Filipino

Mario Hernando

PINARARANGALAN ng Manunuri ng Pelikulang Filipino ang hinahangaan at kinagigiliwang superstar ng pelikulang Filipino sa mahigit na tatlong dekada, ang tinitingalang King of Comedy na walang kapantay, walang kupas – – si Dolphy. Bihira sa mga artista ang tumatagal nang mahigit sa apat na dekada; ganyan katagal na sa showbusiness si Dolphy.

Si Dolphy ay hindi lamang isang idolo; siya ay isa ring artist na sa mga nilikhang karakter ay mababanaag ang bugso ng iba’t ibang emosyon, ang malawak na pananaw, ang kaluluwa ng Filipino. Kadalasang papel niya’y pangkaraniwang mamamayan – – maralita at api-apihan pero parating masaya, may pangarap, at di nagpapatalo sa bawat paghamon ng buhay; sa bandang huli’y nalalampasan ang sunud-sunod na krisis. Mala-henyo niyang tinatalakay ang bawat pagsubok ng tadhana, at sa nakatatawang paraan at paggamit ng perfect timing, pinapakita ang bawat damdamin ng isang nilalang: saya, lungkot, sigla, panlulumo, kapilyuhan, takot, tapang, kabiguan, tagumpay. Damang-dama ng mga manonood ang pakikipagsapalaran ng bawat karakter ni Dolphy; kitang-kita nila ang mga sarili sa pagkatao nito.

Naging superstar si Dolphy sa magkakasunod na papel na binabae noong matatapos na ang dekada ’60 hanggang ’70: mula kay Facifica Falayfay at Fefita Fofonggay, hanggang sa seryosong karakter sa pelikula ni Lino Brocka noong 1978, “Ang Tatay Kong Nanay” kasama ang noo’y child superstar na si Nino Muhlach (nominado si Dolphy rito bilang best actor sa Gawad Urian). Sa katunayan, nang nagsisimula pa lang si Dolphy sa showbusiness ay binigyang buhay ang sa una’y di pinapakita sa pelikula – – ang kalagayan ng binabae sa lipunan, pero sa pamamagitan ng pagpapatawa.

Sa mga matagumpay na pelikulang tulad ng “Jack En Jill” (kasama si Lolita Rodriguez na noo’y bihirang lumabas sa mga komedya) noong dekada ng ’50, at “Jack and Jill of the Third Kind” pagkalampas ng mga dalawang dekada, pinakita niya kung paano hinaharap ng isang binabae – – isa sa mga “marginalized” sektor ng lipunan – – ang pag-aalipusta at pang-aapi ng mga tao. Aliw na aliw ang mga manonood sa mga pelikulang ito kaya’t lahat ng pelikula niyang binabae ang papel ay dinudumog sa mga sinehan. Kasama na rito ang “Omeng Satanasia” noong 1977 at “Darna Kuno” noong 1979.

Ang hindi alam ng mga nakababatang manonood ay ang katotohanang umangat si Dolphy bilang komikero’t bida – na hindi binabae – – sa mga pelikulang tulad ng “Mambo-Dyambo” (1955) at “Silveria, Ang Kabayong Daldalera” (1958). Patok ang “Si Lucio at Si Miguel,” na kailan lamang ay ni-remake ng anak ni Dolphy na si Eric Quizon. Nakikiayon din siya sa takbo ng panahon. Kapag may sikat na sikat na komersyal sa telebisyon, halimbawa, makasisiguro kang gagamitin ito ni Dolphy sa pelikula niya bilang satirika. Uso ang mga westerns, ang mga pelikulang koboy o cowboys? Koboy siya sa Filipino comic westerns tulad ng “Barilan sa Baboy-Koral” (19962) at “Mekeni’s Gold” (1970). Nang sumikat si James Bond ay naging Pinoy secret agent si Dolphy, at nang si Jacky Chan nama’y sumunod kay Bruce Lee bilang martial arts superstar, naging “Dancing Master” si Dolphy. Patok sa takilya ang bawat pelikula. Malaking hit din sa takilya ang isa sa unang pagtatambalan nila ni Panchito Alba (pulis-Maynila sa tunay na buhay, na naging kontrabida sa Sampaguita, bago naging ka-tandem ni Dolphy) sa “Kalabog En Bosyo,” na simula lamang ng mahabang panahong pagtatambalan nila. Noong matatapos na ang ’60, lumipad si Dolphy patungong Espana kasama ang kasintahang si Pilar Pilapil, at naging “El Pinoy Matador.” Noong 1972, bida siya sa “Ang Hiwaga ng Ibong Adarna.” Sa kasamaang palad, ang Pilipino version niya ng “Cyrano de Bergerac” at “Ang Sakristan” (na pang-Mahal na Araw noong mga ’70) ay hindi tinangkilik ng mga tagahanga, pero pinakita ni Dolphy sa mga ito na naghangad siyang gumawa ng pelikulang halaw sa isang nobelang world classic, o seryoso at malalim ang tinatalakay.

Pangkaraniwang papel niya ang Everyman na mula sa karalitaan ay humahantong sa tagumpay – at lover boy pa, tulad sa mga sumusunod na pelikula: “King And Queen For A Day” (1963), “Rodolfo Valentino” at “Tayo’y Mag-Up Up And Away” (1970). Matagal siyang nakakontrata sa Sampaguita, pero nang magsara ang pangunahing movie company ay gumawa si Dolphy sa iba’t bang studio, tulad ng Lea Productions at Regal Films, at sa sariling RVQ Productions.

Si Dolphy ay ipinanganak noong ika-25 ng Hulyo, 1928 sa Tondo. Ang tunay na pangalan ay Rodolfo Vera Quizon, pero sa iba’t ibang panahon ng kanyang pag-aartista’y nakilala rin sa ibang palayaw: Golay, Ompong, Kosme, Pidol, Mang Pidol. Marami siyang minahal kaya’t marami ring anak, kasama ang mga nag-artista ring sina Roily Quizon, Sally Quizon, Dolphy Jr., Vandolph, at ang nagawaran na ng Urian best supporting actor para sa pelikula ni Ishmael Bernal, ang “Pahiram Ng Isang Umaga” — si Eric Quizon, na ngayo’y isa nang direktor.

Nagsimula si Dolphy sa tanghalan bilang mananayaw na naging dancing partner pa nga ni Bayani Casimiro. Ipinakilala siya ng matinee idol na si Pancho Magalona sa “star maker” na si Doc Jose Perez ng Sampaguita Pictures, na nagbigay sa kanya ng pangalang Dolphy at ng “break” sa pamamagitan ng mga supporting roles. Sa una’y sa mga pelikula nina Carmen Resales at Rogelio de la Rosa siya napapanood. Pero dahan-dahan siyang nahirang na isa sa mahalagang sangkap sa pormula ng mga box-office hits ng mga maniningning na reyna sa Sampaguita — at pambansang hiyas – tulad nina Tita Duran (“Sa Isang Sulyap Mo Tita,” “Isang Halik Mo Pancho”), Gloria Romero (“Bakasyonita,” “Teresa,” “Lawiswis Kawayan”) at Susan Roces (IBoksingera,” “Kulang sa Pito, Labis sa Walo”), bilang sidekick ng bidang lalake na tulad ni Pancho o Luis Gonzales.

Nang mga kalagitnaan ng dekada ’60, umangat si Dolphy bilang pangunahing artista sa telebisyon, kapartner ni Panchito sa “Buhay Artista.” Sa mga susunod na dekada’y naghari pa rin si Dolphy sa telebisyon. Isa sa mga popular na lingguhang komedya sa Pilipinas ay ang “John En Marsha,” kung saan katambal naman ni Dolphy ang isa pang hiyas ng pelikulang Pilipino, si Nida Blanca, mula noong ’70s hanggang ’80s. Naka-ilang tambalan din sina Dolphy’t Nida sa “John En Marsha’ — sa bersyong pelikula at mga sequel. Nawala si Dolphy sa showbiz nang pansamantala noong matatapos na ang ’80s, pero kamangha-manghang nanumbalik siya bilang superstar sa telebisyon – – at sa pelikula na rin – – nitong mga ’90s, bilang balong ama ng maraming bata, si Kevin Cosme sa hanggang ngayo’y sikat na sikat na sitcom ng ABS-CBN, ang “Home Along da Riles.” May dalawang bersyon ito bilang pelikula ng Star Cinema.

Tuluy-tuloy ang pagiging aktibo ni Dolphy sa sining ng pelikula. Sa gabi ng Ika-21 Gawad Urian, sa paggawad sa kanya ng Natatanging Gawad Urian ng Manunuri, kinikilala at sinasaluduhan ng mga kritiko ang matikas na comic genius at superstar, at ang mahalagang nagawa niya sa ikauunlad ng pelikulang Pilipino at sa ikaaangat ng antas ng kaaliwan at pag-unawa ng mga manonood.

Back to Natatanging Gawad Urian

%d bloggers like this: