1996 Natatanging Gawad Urian

PANCHO MAGALONA

Natatanging Gawad kay PANCHO MAGALONA

Mahusay na aktor si Pancho Magalona, na lumabas sa maraming klasiko at makabuluhang pelikula. Banayad at natural ang kaniyang estilo sa pagganap. Pinapurihan sa mga seryosong pelikula at kinagiliwan sa mga romansa’t musical comedy kung saan siya nagpakita ng husay sa pagkanta’t pagsayaw. Lumabas din siya sa telebisyon at sa maraming taon ay isang noontime TV host.

Una sa marami at malaman niyang pelikula ang Primo Donna (1947), sa pag-udyok ng dating Unang Ginang na si Aurora Aragon Quezon. Naging bida noong taong iyon sa Tatlong Bulaklak. Nagsimulang lumabas sa Sampaguita Pictures noong 1948 sa Bulaklak na Walang Pangalan at Dahil Sa lyo, kung saan kasama ang mapapangasawang si Tita Duran, dating child star. Lumabas din sa Sa Piling Mo (ni Eddie Romero) noong 1949.

Nang matapos ang kontrata sa Sampaguita, lumabas sa Cry Freedom (1959) ni Lamberto V. Avellana; Emily (I960); Luis Latigo (1961); sa pangunahing papel ni Simon sa El Filibusterismo ni Gerry de Leon (1962); Pipo (1970) at Sakada (1976). Bida siya sa tinaguriang isa sa pinakamahusay na pelikulang Filipino, ang Hanggang Sa Dulo ng Daigdig ni De Leon (1958), kung saan siya’y ginawaran ng tropeyong FAMAS.

Ipinanganak si Enrique Gayoso Magalona Jr. sa Sarabia, Negros Occidental noong ika-22 ng Enero,1923 kina Consuelo Gayoso at dating Senador Enrique Magalona Sr. Nag-aral sa Ateneo de Manila. Kapareha niya sa maraming pelikulo ang maybahay na si Tita Duran na sumakabilang-buhay noong 1990. Ama siya ng sikat na rapper at aktor na si Francis Magalona.

Back to Natatanging Gawad Urian

%d bloggers like this: