
Natatanging Gawad Urian kay
LUIS NOLASCO
Isinilang si Luis F. Nolasco sa pagpihit ng siglo, at sa mga unang yugto ng kasaysayan ng pelikulang Filipino, mahalaga ang papel na kanyang ginampanan sa paglalatag ng landasing tatahakin ng industriya. Sa paglipat mula sa silent pictures tungo sa sound movies sa panahon ng matuling pagsusulputan ng mga istudyo noong dekada ng 1930, natanyag bilang pinuno ng industriya si Nolasco. Apat na pangunahing istudyo ang tinulungan niya upang mapaunlad. Bunga ng kanyang pagsisikap ang pagsapit ng produksiyon ng mga pelikula sa antas ng pagiging industriya. Siya ang nagpatatag sa studio system na lubhang kailangan para sa maramihang paglikha ng mga pelikula.
Wala pang tunog ang mga pelikula nang simulan ni Nolasco ang kanyang karera sa pelikula. Sa ilalim ng Malayan Pictures ni Jose Nepomuceno, na madalas bansagang “Ama ng Pelikulang Pilipino,” naglingkod si Nolasco bilang publicity director at dialogue writer. Sa paggabay pa rin ni Nepomuceno, nagsulat si Nolasco para sa Parlatone Hispano-Filipino ng mga iskrip noong 1935.
Taong 1937. Itinatag ni Luis F. Nolasco ang Sampaguita Pictures para sa isang pangkat ng mga mangangalakal na pinangungunahan ni Kgg. Pedro O. Vera. Sa panahong iyon, madalas na ang pagpupondo ay hindi siya mismong nangangasiwa sa negosyo. Bilang production manager ng Sampaguita Pictures, nagsampa si Nolasco ng malaking yaman sa istudyong ito. lyon ang panahon ng pagsikat ng mga direktor na tulad nina Carlos Vander Tolosa, Gregorio Fernandez at Manuel Silos, at ng mga bituing tulad nina Rogelio de la Rosa, Elsa Oria at Rosario Moreno. Sa bisa ng kanyang posisyon bilang tagapangasiwa ng produksiyon, kay Nolasco nagmula ang mga pagpapasiyang may kinalaman sa sining at sa administrasyon. Ang istoryang isasapelikula. Ang pagtuklas ng mga bagong bituin. Ang direktor na hahawak sa pelikula. Ang mga tauhang hahawak sa mga gawaing teknikal. Ang pagpino sa mga pamantayang panteknika sa paggawa ng pelikula. Ang pagbalangkas ng iskedyul sa siyuting. Ang pagsubaybay sa yugto-yugtong proseso ng produksiyon. At pati na ang pagbabalak ng istratehiya sa publisidad. Sa hanay ng kanyang mga kasamahan sa industriya, si Nolasco ang tunay na nagtanim ng pagpapahalaga sa disiplina – – iginiit niya sa tuwina ang pagiging maagap sa pag-alinsunod sa iskedyul, subalit hindi naman siya nagkulang sa pagpapasigla sa pagkamalikhain ng mga artista at teknikong nakapailalim sa kanya.
Noong 1939, naging pag-aari nina J. Amado Araneta at Placido Mapa Sr. ang Philippine Films. Nahirang na production manager si Nolasco, at lubos-lubusan ang ginawa niyang reorganisasyon ng istudyong ito. Pinalitan niya ang mga teknikong dayuhan ng mahuhusay na teknikong Pilipino. Bukod sa rito, may mga bagong direktor na binigyan niya ng pagkakataon, at kabilang dito sina Lamberto Avellana at Ramon Estella, na sa ilalim ng kanyang pangangasiwa nakalikha ng ilan sa pinakamahuhusay na obra, tulad ng “Sakay” (Avellana) at “Huling Habilin” at “Buenavista” (Estella).
Naging production manager ng Excelsior Pictures si Nolasco noong 1940. Katangi-tangi ang naging katayuan niya — sa iisang panahon ay production manager siya ng tatlong pangunahing istudyo. Isinaayos niya ang organisasyon ng Excelsior at ang paglago ng tubo nito ay utang sa maingat na pag-ugit ni Nolasco.
Naganap noong 1941 ang kanyang ambisyong makapagtayo ng sariling kompanya. Itinatatag ang Nolasco Bros., subalit sinamang-palad na natapat ang pagbubuo ng kompanya sa pagsiklab ng Digmaang Pasipiko. Binuhay na muli ni Nolasco ang kompanya pagkatapos ng digmaan, at kabilang sa mga ipinalabas ng Nolasco Bros, ang “Fort Santiago,” “Siete Dolores,” at “Mga Busabos ng Palad.” Sa panahong ito niya tinuklas ang mga bituing Rosa Rosal, Leila Morena at Lilia Dizon. Nang si Doña Sisang ng LVN Pictures ay magkasakit, sumandaling naging katulong siya ng matanda sa pagpapatakbo ng nasabing istudyo noong 1957.
Isang mabungang manunulat si Luis F. Nolasco. Mahigit na-sandaang iskrip ang kanyang nasulat, kabilang dito ang “Pakiusap,” “Bituing Marikit,” “Madaling Araw” at “Nasaan Ka, Irog.” Naging editor din siya ng mga magasing pampelikulang Literary Song-Movie at Manila Movies, na kapwa nalimbag bago sumiklab ang digmaang Pasipiko.
Sa wikang Espanyol, premyadong manunulat si Nolasco. Noong 1979, napasakanya ang Premyo Zobel bilang pagkilala sa kanyang kahusayan. Nagsulat siya para sa mga peryodikong El Debate at La Opinion, at naging kagawad siya ng Academia Filipina. Patnugot siya sa kasalukuyang ng seksiyong pampanitikan ng lingguhang Nuevo Horizonte.
Tagapangasiwa ng produksiyon, manunulat ng mga dulang pampelikula, patnugot ng mga magasing pampelikula, alagad ng panitikan at peryodista — mababa, matapat at mabunga ang naging paglilingkod ni Luis F. Nolasco sa sambayanang Pilipino sa larangan ng pelikula.

NATATANGING GAWAD URIAN KAY
MIKE ACCION
Justing Dormiendo
Lubhang mahalaga ang papel ng isang sinematograper sa pagbuo ng pelikula. Dahil ang pelikula ay isang uri ng sining biswal, nakasalalay sa sinematograper ang pagla-larawan sa nilalaman nito. Sa pamamagitan ng pag-iilaw, komposisyon, galaw, at iba pang kaugnay na teknik ng kamera, malaki ang ambag ng sinematograper sa pagbibigay-buhay sa istorya at pagpaparating ng mensahe nito sa mga manonood. Maihahanay si Mike Accion sa mga pinakamahuhusay nating sinematograper. Nakatulong siya nang malaki sa pagsulong at pag-unlad ng sining ng pelikula sa ating bansa sa loob ng mahigit na apatnapung taong kanyang paglilingkod bilang malikhaing cameraman.
Nagsimula si Miguel (“Mike”) Accion bilang clapper boy sa bakuran ng Sampaguita Pictures. Taong 1937 at tinatapos niya ang pag-aaral sa University of Manila high school Si Congressman Pedro Vera, and isa sa mga nagtatag ng Sampaguita at kapwa taga-Catanduanes, ang nag-alok sa kanyang magtrabaho sa istudyo. Pero di naglaon ay naanyayahan siyang lumipat sa bagong-tatag na istudyo, ang LVN, sa paanyaya ng kanyang mga kaibigang direktor na si Carlos Vander Tolosa at artistang si Ely Ramos. Dito ay nabigyan siya ng pagkakataong mag-aprentis kay Remigio Young, isa sa mga batikang cameramen sa panahong yaon. Noon pa ma’y kakikitaan na si Accion ng masidhing interes para matutuhan ang trabaho ng sinematograper. Paminsan-minsan ay napasama rin siya bilang artista sa ilang mga peiikula ng LVN na gaya ng Tambol Mayor (1949).
Pero sa likod ng kamera nahasa nang husto si Mike Accion. Tumanggap siya ng malaking break nang mapili siyang assistant ng cameraman na si Rafael Salumbides. Nagkaroon siya ng oportunidad na pag-aralan nang mabuti ang lengguwahe ng kamera, at sa tulong ng mga libro at babasahin at sari-saring assignment gaya ng newsreel coverage ay naging bihasa siya sa mga pamamaraan ng sinematographiya. Ang kauna-unahan niyang pelikula bilang cameraman ay ang Malaya (1948), sa direksiyon ni Luis Silos. Nang mapanood ang kanyang trabaho ng pangunahing direktor ng LVN na si Lamberto Avellana ay agad siyang inalok na maging carmeraman nito. Dati na silang magkasama ni Avellana sa tanghalan noong panahon ng Hapon kaya hindi niya mahindian ang alok sa kanya.
Mula noon ay naging palagian na ang kolaborasyon nila ni Avellana, lalo pa nang umani ng tagumpay at mga papuri ang una nilang ginawa, ang Kandilerong Pilak (1954), na nagpapanalo kay Lilia Dizon bilang best actress sa Cambodian Film Festival. Sinundan pa ito ng mas marami pang tagumpay sa iba’t ibang paligsahang pampelikula. Napiling best picture ang Anak Dalita sa 1956 Asian Film Festival, at humakot ng maraming award ang Badjao sa festival na ito sa sumunod na taon, kabilang na ang pinakamahusay na sinematograpiya para kay Accion. Sa FAMAS naman ay nanalo rin siya para sa Walang Sugat (1957). Siya rin ang sinematograper ni Avellana sa A Portrait of the Artist as Filipino, na napiling best cinematography sa Citizens’ Council for Mass Media noong 1965, at ng Malvarosa, sa direksiyon ni Gregorio Fernandez, na naging panlaban ng Pilipinas sa Asian Film Festival noong 1958 at nagpapanalo kay Rebecca del Rio bilang best supporting actress.
Nakasama rin ni Mike Accion sa paggawa ng pelikula ang isa pang iginagalang na direktor ng pelikulang Pilipino, si Gerardo “Manong” de Leon. Sino nga naman ang makatatanggi sa alok ng direktor na noon pa ma’y pawang dekalibre ang mga trabaho? Ang kanilang mahusay na kolaborasyon ay napanood sa mga pelikulang maituturing na ngayong mga klasiko gaya ng El Filibusterismo (1962), Ang Daigdig ng mga Api (1965), at marami pang iba. Ang kahuli-huling obra ni de Leon ay kinunan din ni Accion, ang Juan de la Cruz, na sa kasawiang-palad ay hindi na natapos dahil sa pagkamatay ng direktor noong 1982.
Namumukod din si Mike Accion sa mga naunang sinematograper hindi lamang sa lawak ng kanyang impluwensiya sa kanyang mga kasamahan sa trabaho kundi lalo na sa makatotohanang pamamaraan ng pagkuha niya ng larawan. Sa maraming pelikula ni Accion ay naiiwan ang kanyang personal na tatak. Makikita ang kanyang istilo sa pamamagitan ng kanyang malikhaing paggamit ng subject sa bawat frame, sa maingat na komposisyon, at lalo na sa epektibong pamamaraan ng pag-iilaw na totoong nakatawag ng pansin lalo pa’t sa black-and-white ang pelikula.
Pinayaman din ni Accion ang lengguwahe ng sinematograpiya sa ating bansa. Nanguna siya sa paggamit ng back lighting, isang teknik na nagpatindi sa texture ng mga larawang kuha niya, at sa hinihinging dramatic effect ng mga eksena. Maituturing din siyang nag-iisang gumagamit noon ng rolling perambolator at paglalagay ng kamera sa wheelchair para matumbasan ang tinatawag ngayong dolly shot. Isa pang patunay sa pambihirang abilidad ni Accion ay ang maagang paggamit niya ng hand-held camera, na nakatulong nang malaki sa pagbibigay ng realismo sa mga kinukunang eksena.
Para kay Mike Accion, walang imposible, maging anuman ang pangangailangan ng interior or exterior mang tagpuan. Noong panahong yaon ay hindi pa ginagamit ang teknik ng multi-filtering effect, na nag-aalis sa mga balakid at mga pagbabago sa iba’t ibang elemento gaya ng ulap, kalangitan, at init ng araw. Nanguna si Accion sa paggamit sa teknik na ito.
Back to Natatanging Gawad Urian