1979-1980 Natatanging Gawad Urian

NATATANGING GAWAD URIAN KAY MANUEL CONDE

Agustin Sotto

Pelikulang pandaigdig din ang pelikulang Pilipino, at napatunayan na ng ating mga direktor na maaabot nila ang mga pamantayang internasyonal sa paggawa ng pelikula. Isa na sa mga direktor na iyan si Manuel Conde, na sa loob ng apatnapung taon ng dibdibang paglikha at pagpapasimuno ay may malaking naiambag sa pag-unlad ng pelikulang Pilipino bilang isang sopistikadong sining.

Manuel Urbano sa tunay na buhay, isa siyang filmmaker na may kakayahan sa iba’t ibang aspekto ng paggawa ng pelikula. Siya ay aktor, scriptwriter at direktor ng kanyang mga pelikula, at kapag atubili ang isang istudyo sa pagsasapelikula ng materyal na hindi komersiyal, siya na rin ang prodyuser. Bunga ng pagsasanib ng kapangahasan, tapang at sari-saring talino, siya ay maituturing na tagapagpauna sa ilang aspekto ng sining at pamamaraan ng pelikula.

Ang pinag-aralan ni Manuel Conde ay ang pagiging geological engineer. Hindi sinadya ang kanyang pagkapasok sa industriya ng pelikula, at dito ay pinagdaanan niya ang maging bit player,stuntman, laboratory assistant at ventriloquist para sa isang papet na pinangalanan na Kiko. Noong 1939, pinamahalaan niya ang kanyang unang pelikula, ang Sawing Gantingpala, nang hindi sumipot sa shooting ang kontratadong direktor. Noong 1939, sinimulan niya ang paglinang sa komedyang sopistikado sa pamamagitan ng Maginoong Takas at Villa Hermosa. Sa mga pelikulang ito, ang pagpapatawa ay ibinatay sa talim ng isip at sa sitwasyon sa halip na sa slapstick. Noon namang 1949, pinauso niya ang pelikulang “eskrimahan” nang gawin niya ang matagumpay na Prinsipe Paris. Bilang paghahanda para sa pelikulang nabanggit, sinanay niya ang ilang stuntmen upang magpakita ng mga kagilagilalas na aksiyon, na hanggang ngayo’y makikita pa rin sa ating mga pelikula.

Sa pamimili ng mga paksaing isasapelikula, mahihiwatigan ang pagkamakabayan ni Manuel Conde. Maraming kuwentong tradisyonal ang isinalin niya sa pelikula, gaya ng mga awit at korido tungkol kay Prinsipe Teñoso, sa Ibong Adarna, at sa Siete Infantes de Lara. Sa mga pelikulang ibinatay sa mga kuwentong tradisyonal, naipaloob niya ang makulay na aksiyon, ang katutubong pagpapatawa, at ang pagkamatulain ng mga orihinal. Ang ilan sa mga eksenang galing sa mga pelikulang nabanggit ay nakalimbag pa rin sa alaala ng marami, tulad ng pagpapalit ng kulay ng engkantadang ibon sa Ang Ibong Adarna at ang paglusob ng pitong magigiting sa Siete Infantes de Lara. Ang masinop at maingat na paghalaw sa mga awit at koridong kanyang isinapelikula ay lalo pang hahangaan kung ihahambing ang mga bersiyon ni Conde sa mga bersiyong sumunod.

Marami ring pelikulang popular na ginawa si Manuel Conde, at ang mga ito ay patunay na ang isang pelikulang komersiyal ay hindi kinakailangang maging pelikulang walang kawawaan. Sa mga komedyang tinampukan nina Nestor de Villa at Nida Blanca – Ikaw Kasi, Tingnan Natin, Bahala Na – pinatunayan niya na ang tinatawag na katutubong pagpapatawa ay magagawang malaman at kaakit-akit pa rin kahit na hindi ito kabalbalang walang tinutungo. Sapagkat lagi niyang isinaalang-alang na ang mga manonood ay dapat matuto habang inaaliw, ang kanyang mga pelikulang popular ay pinasukan niya sa magaang paraan ng maraming aral tungkol sa Pilipinas at sa buhay-Pilipino.

Bukod sa mga dokumentaryo, may mga pelikulang ginawa si Conde na nag-ukol ng mapanuring pagtalakay sa mga suliraning pambansa. Ginawa niya noong 1961 ang Molave, na pumaksa sa pangangalaga sa ating mga kagubatan. Noo’y paksaing hindi popular ang nilalaman ng pelikulang ito, subalit ngayo’y katibayan ito na si Conde ay direktor na ang pananaw ay nakatutok sa hinaharap noon pa man.

Ang mga pelikula ni Conde na lalong kinagiliwan ng mga manonood ay ang kanyang serye tungkol sa tauhang si Juan Tamad. Sa mga pelikulang ito, bilang aktor, scriptwriter at direktor, ang pang-uuyam bilang instrumentong pulitikal ay ipinasok niya sa pelikulang Pilipino. Dahil pinagalaw niya ang mga tauhan sa panahong sinauna, bago pa dumating ang mga Espanyol, naiwasan ni Conde ang paghahabla na maaaring ibinunga ng kanyang tuwirang panlilibak sa mga “mahal na tao” at ng kanyang paglalantad sa mga kahangalan ng isang lipunang nahihibang. At sino kaya ang makalilimot sa mga eksenang naglalarawan sa mga labo-labo sa Kongreso, mga pulitikong gahaman sa pork barrel mga fashion show ng mga bestidang yari sa sako, at mga kampanya para sa ikauunlad ng mga mamamayang hindi nabigyan ng wastong direksiyon. Kilitiin ang mga manonood upang ipamalay sa kanila ang mga problema ng bansa iyan ang naging layunin ni Manuel Conde.

Nakipagtulungan si Conde sa kung sinu-sinong kilalang tao sa kanyang mga pelikula. Sumulat si Doña Aurora Quezon ng mga kuwento at awit para sa kanyang mga pelikula. Ang tanyag na manunulat at kritikong Amerikano na si James Agee ang siyang naghanda sa kanyang mga pelikula para maitanghal ang mga ito sa labas ng Pilipinas. Nagdisenyo ng set at kasuotan para sa kanya ang pintor na si Carlos V. Francisco. Naging guro siya ng maraming nasa industriya na ngayo’y mga editor, direktor, sinematograpo, set designer atbp.

Ngayong ang pelikulang Pilipino ay nagsimula nang makilala sa labas ng Pilipinas, mahalagang maitala na si Manuel Conde ang pinakaunang direktor na Pilipino na umani ng pagkilalang pandaigdig. Sa maprestihiyong Venice Film Festival noong 1952, itinampok ang Genghis Khan. Nang sumunod na taon, sa Edinburgh Film Festival naman ito itinanghal. Ang Genghis Khan ay kauna-unahang pelikulang Pilipino na ipinamahagi sa iba’t ibang bansa sa Estados Unidos, Pransiya, at Gran Bretanya. Naipalabas na rin ito sa telebisyon sa maraming dako ng daigdig. Ang karangalang tinanggap ni Conde ay katibayan ng mataas na pamantayang itinakda niya para sa kanyang sarili at para na rin sa industriya ng pelikulang Pilipino.

NATATANGING GAWAD URIAN KAY MANUEL SILOS

Agustin Sotto

Kung naaabot na ngayon ng industriya ng pelikulang Pilipino ang kasanayan sa teknik at lengguwahe ng pelikula, ito ay utang sa mga taong nanguna upang umunlad ang pelikula. Isa sa mga taong ito ay si Manuel Silos – actor, direktor, manunulat, musiko, tekniko, at imbentor – na ang apatnapung-taong buhay sa pelikula ay sakop ang panahon ng silent at talking pictures.

Ipinanganak noong Enero 1, 1906, ang ama’y musiko na nagtatag ng isa sa mga unang istudyo ng retrato sa Maynila, si Manuel Silos ay namulat ng maaga sa potograpiya. Ikaapat siya sa pitong anak – magiting na pamilyang kinabibilangan nina Luis Silos (soundman), Octavio Silos (direktor), Cesar Silos (cinematographer), at Augusto Silos (labman).

Noong 1927, dinirehe ni Manuel Silos ang isang 16mm silent film na hango sa isang almanac comic strip na pinamagatang “Tres Sangganos.” Pagkatapos, ginawa itong serye na may tatlong parte na ang pamagat ay “The Three Tramps.” Ang magkakapatid na Silos ang gumanap, kumuha, nag-edit, at nagtapos ng pelikula sa isang pansamantalang laboratoryo.

Noong 1930, nang itatag ang Banahaw Pictures, nilapitan si Manuel Silos, kasama si Carlos Vander Tolosa, upang magdirihe para sa kompanya. Ang dalawang direktor ang naglayo sa pelikulang Pilipino sa impluwensiya ng entablado tungo sa paggamit ng montage.

Nang dumating ang talkies noong kalahatian ng dekadang 1930, nanguna si Manuel Silos sa paggamit ng mga bagong teknik at pagpapatunay sa mga banyagang tekniko ng kagalingan ng mga Pilipino. Tagumpay ang kanyang unang pelikulang nagsasalita, ang “Mag-inang Mahirap,” na nilabasan nina Rosa del Rosario at Jose Padilla Jr. Lumipat si Manuel Silos sa Parlatone Hispano-Filipino sa ilalim ni Jose Nepomuceno at nagdirihe ng mga pelikula gaya ng popular na “Lagablab ng Kabataan.” Nang matatag ang Sampaguita Pictures noong 1937, dinirihe-ni Manuel Silos ang ilang pelikula gaya ng “Tarhata” at “Dalisay.”

Noong panahon ng digmaan, naging aktor si Manuel Silos sa bodabil at manunugtog ng xylophone. Noong 1946, ginawa niya ang “Victory Joe” para sa LVN Pictures; sumunod pa ang ilang pelikula gaya ng “Hawayana”, isang co-production ng mga Pilipino at Indones noong 1953, hanggang sa “Biyaya ng Lupa” noong 1959.

Bukod sa mga feature film, gumawa rin si Manuel Silos ng comedy serials, thriller shorts at newsreels, gaya ng pagsabog ng Bulkang Mayon.

Dahil sa kanyang kinalakhan, naging bagay na bagay na direk-tor si Manuel Silos ng mga pelikulang musikal. Nakilala siya bilang direktor ng “Ay! Kalisud” na nagtatag kay Fely Vallejo bilang superstar. Ang karanasan ni Manuel Silos sa bodabil ay nakatulong sapaglikhang mga di-malilimutang numero gaya ng “Hagdanan ng Kalayaan.”

Kasabay ng kanyang pagdirihe sa pelikula, nag-ambag din si Manuel Silos sa pagpapabuti ng teknolohiya ng pelikula lalung-lalo na sa animation at trick photography. Pinagbuti niya at pinapatente sa malaking halaga ang Synchro lens – – maagang anyo ng zoom lens at ang Siloscope, isang lens na nakakakuha ng anggulong 90 degrees ang lawak.

Ang interes na ito sa electroniko at musika at lumikha ng naiibang uri ng musikal – – ang kamera ay hindi tagakuha lamang ng mga pangyayari kundi isang aktibong miyembro ng tropa. Ang kanyang pagkabighani sa electroniko ng radyo ay makikita sa “Misteryoso,” “1-2-3” at “Puppy Love.” Natatangi rin ang “Tuloy ang Ligaya” na ginamitan niya ng split screen at dito’y nagawa niyang parang kasayaw ni Nida Blanca ang kamera.

Natatandaan si Manuel Silos bilang direktor ng “Biyaya ng Lupa” na isinulat ni Celso Al. Carunungan. Ganap sa pelikula ang kasiyahan at masaklap na realidad ng buhay-lalawigan. Maipagmamalaki sa pelikulang ito ang pagkaka-ganap nina Leroy Salvador at Joseph de Cordova.

Marami nang nakinabang sa mga nagawa ni Manuel Silos. Dahil sa kanya, kasama ang ilan pang nangunang manlilikha sa pelikula. Mahahakbang ng pelikulang Pilipino ang kanyang pagkamusmos tungo sa pagkagulang.

Back to Natatanging Gawad Urian