
Natatanging Gawad Urian kay MANUEL DE LEON
Clodualdo del Mundo, Jr.
Sa souvenir program ng ikalabintatlong anibersaryo ng LVN Pictures, Inc., mababasa ang ganitong pagbati ni Donya Sisang, executive producer noon ng LVN: “Pinararating ko rin sa madlang manonood ang aking mataos na pagkilala ng utang na loob sa kanilang walang sawang pagtangkilik sa mga pelikula ng LVN. Sa tuwina’y magiging panata namin ang sila’y bigyan ng kasiyahan upang maging karapatdapat kami sa kanilang pagtataguyod.” At sa souvenir program naman ng ikadalawampung anibersaryo ng LVN, mula rin kay Donya Sisang: ‘Kung hindi ninyo tinangkilik ang aming mga pelikula, ang aming mga pagsisikap, kaming bumubuo ng pangasiwaan, ay mawawalang-kabuluhan pagka’t kayo lamang ang maaaring gumawa at sumira ng estudyo at mga bituin.”
Natupad nga ang panata ng LVN. Sino ang makapagkakaila sa kasiyahang naidulot ng Prinsipe Amante, In Despair, Ibong Adarna, Medalyong Perlas, Wala Kang Paki? At sino ang hindi mamamangha sa “langit-langitan ng LVN”? -Rogelio de la Rosa, Carmen Rosales, Leopoldo Salcedo, Celia Flor, Tony Arnaldo, Rosa Rosal, Nida Blanca, Charito Solis, at marami pang iba.
Ang estudyo noong dekadang yaon ng 1950 ay isang pabrika ng panaginip. Nguni’t, paminsan-minsan, may ilang produksyon, mulat sa katotohanan. Halimbawa: Anak Dalita, Badjao, Biyaya ng Lupa.
Tuwing pag-uusapan ang mga pelikulang ito, na ngayo’y tinuturing na klasiko sa kasaysayan ng pelikulang Pilipino, ang sinasamba ay ang direktor. Si Lamberto Avellana, para sa kanyang Anak Dalita at Badjao. Si Manuel Silos, para sa kanyang Biyaya ng Lupa. Hindi nababanggit, o marahil ay nakakaligtaan lamang, ang prodyuser, ang tanging tauhan sa produksiyon na nagpapasiyang gawin ang isang pelikula. Ang nagpasiyang gawin ang mga pelikulang Anak Dalita, Badjao, at Biyaya ng Lupa ay si Manuel de Leon, anak ni Donya Sisang at noo’y general manager ng LVN.
Para kay de Leon, ang mga pelikulang ito ay isang eksperimento, isang pagsubok upang patunayan kung makagagawa nga ng mahusay na pelikula ang Pilipino. Napatunayan ito ni De Leon. Ang saksi ay ang Golden Harvest Award ng Anak Dalita (1956) bilang pinakamahusay na pelikula ng pangatlong Asian Film Festival, at iba pang gawad mula sa festival na ito para sa pelikulang Higit sa Lahat (1956), Badjao (1957), at Biyaya ng Lupa (1960).
Kapansin-pansin ang lakas ng loob ni de Leon sa paggawa ng pelikulang ito. Ang casting ay isang eksperimento—si Rosa Rosal ay kilalang kontrabida sa pelikula noong panahong iyon; si Tony Santos, Sr. ay pangalawang aktor naman bago ibinigay sa kanya ang pangunahing papel ng Anak Dalita. Ang pagpili sa materyal ay isang eksperimento rin—ang niialaman ng Anak Dalita, Badyao, at Biyaya ng Lupa ay hindi panaginip. Anong klaseng prodyuser ang magkakainteres sa pagbabagong-buhay ng isang beterano (Anak Dalita), sa buhay ng isang pamilyang naninirahan sa dagat (Badjao), sa buhay ng isang pamilyang umaasa sa kinabukasang maidudulot ng lupa (Biyaya ng Lupa)?
Ginawa ni De Leon ang plano at binigyan ng laya ang direktor na isagawa ito.
Paminsan-minsan lamang bumisita sa set si de Leon, nguni’t sinisiguro niyang mapanood ang resulta ng editing bago aprobahan ang pelikula. Sa Biyaya ng Lupa, halimbawa, makikita ang impluwensiya ni de Leon. Ipinaulit niya ang eksena ng pagpatay sa kontrabida (Joseph Cordova). Sa unang rushes, isa sa mga taumbayan ang nakapatay sa kontrabida; naisip ni de Leon na pangunahing tauhan dapat ang gumawa niyon, and anak ni pipi (Leroy Salvador Jr.). Dahil dito, nagkaroon ng pagkakataon si Leroy Salvador Jr. na ipakita ang kanyang kakayahan sa pagganap. Nagwagi siya ng award mula sa Asian Film Festival (1960) para sa pinakamahusay na pagganap ng pangalawang aktor.
Noong 1965, nagkaroon si de Leon ng isa pang pagkakataon upang mageksperimento. Ginawa nila ni Lamberto Avellana ang A Portrait of the Artist as Filipino, mula sa dula ni Nick Joaquin. Nguni’t gaya ng nangyari sa Anak Dalita, Badjao, at Biyaya ng Lupa, bumagsak sa takilya ang pelikula. Wala ang inaasahang manonood at sa unang tingin ay mukhang “mawawalang-kabuluhan” ang lahat.
Noong mapanood ni Donya Sisang ang isa sa mga proyekto ng kanyang anak (sa preview ng Badjao o Biyaya ng Lupa), ang reaksiyon ng matanda sa anak ay simple: “Sa ‘yo ‘yan.” Nilinaw ng matanda na kung sino ang may responsibilidad sa pelikula nguni’t mararamdaman din ang kanyang pagmamalaki sa nagawa ng anak.
Kay Manuel de Leon nga ang Anak dalita, Badjao, Biyaya ng Lupa, at ang pinakalugi sa lahat, ang kanyang sariling produksiyon ng A Portrait of the Artist as Filipino. Mahalaga ang papel ni de Leon – siya ang nagpasiyang gawin, at tapusin ang mga pelikulang ito. Hindi nga tinangkilik ng “madlang manonood” ang mga pelikulang ito, nguni’t kasaysayan lamang ang makapagsasabi kung “mawawalang-kabuluhan” ang lahat ng mga nagawa ni de Leon sa industriya ng pelikulang Pilipino.

Natatanging Gawad Urian kay GERARDO DE LEON
Agustin Sotto
Maraming namamangha sa industriya ng pelikulang Filipino. Nagtataka sila kung paano nakagagawa ng mahuhusay na pelikula sa kakapiranggot na badyet, lumang kagamitan, at limitadong commercial market. Kung paano nakagagawa ng mga pelikulang klasiko ang Filipino sa mga kondisyong ito ay utang sa kanyang pagkamalikhain at pagkamautak.
Isa sa mga Pilipinong ito ay si Gerardo de Leon, o Manong sa kanyang mga kasamahan sa pelikula. Sa loob ng apatnapung taon, nakagawa siya ng humigit-kumulang sa pitumpong pelikula karamiha’y maituturing na klasiko.
Ang Daigdig ng mga Api, Noli Me Tangere, El Fili-busterismo, Sisa, Tayug (Ang Bayang Api), Hanggang sa Dulo ng Daigdig, Dyesebel, Ifugao, at The Moises Padilla Story ay ilan sa kanyang mga natatanging pelikula.
Ang kanyang sining ay napagyaman sa puwersa ng ekonomiya. Dahil sa bigat ng gastos sa paggawa ng pelikula, ginamit niya ang kanyang kaalaman at likas na talino upang makalikha ng mahuhusay na pelikula, kundi man mga klasiko.
Napakaepektibo ng kanyang pagsasanib ng nilalaman at pamamaraan na ang kamera ay nagiging kabahagi ng istorya. Maraming di malilimutang eksena ang nakakintal sa isipan ng mga humahanga sa mga pelikula ni Manong: ang eksena ng paglibing sa dagat kay Lola Young sa Sanda Wong; ang pagpapakamatay ni Charito Solis sa El Filibusterismo; ang paglalahad ng nasisirang bait ni Anita Linda sa Sisa; ang pangako ng paghihiganti ni Pancho Magalona sa Hanggang sa Dulo ng Daigdig.
Makikita rin sa mga pelikula ni Manong ang mahuhusay na pagganap ng mga aktor at aktres: Anita Linda sa Sisa at Hanggang sa Dulo ng Daigdig; Leila Morena at Jose Pad ilia, Jr. sa Diego Silang: Leopoldo Salcedo sa The Moises Padilla Story; Oscar Keesee at Arsenia Francisco sa Huwag Mo Akong Limutin; Barbara Perez at Robert Arevalo sa Ang Daigdig ng mga Api; Charito Solis sa El Filibusterismo.
Sa kanyang mga pelikulang komersyal, naipakita rin ni Manong ang kanyang galling – ang ordinaryo ay nagawa niyang kakaibang aliwan. Ang Dyesebel ay isang paboritong pelikula; ang Sawa sa Lumang Simboryo ay nagpasimula sa mga pelikulang tulisan na nagging popular noong dekadang ’50. Ang Banga ni Zimadar, Sanda Wong ay kapwa kamangha-manghang pelikulang pantasya.
Nakagawa siya ng iba’t ibang genre ng pelikula – kabilang na ang ilang pelikulang koboy, gaya ng Simaron at Barilan sa Pugad Lawin.
Nagmula sa angkan ng mga Ylagan na kilala sa pelikula at entablado, nag-umpisa si Manong bilang piyanista sa Cine Moderno noong nakakorto pa siya. Nang mauso ang pelikulang ”talkies” narinig ang kanyang boses mula sa likuran ng telon, ginagagad sa Tagalog ang diyalogo ng mga artista sa puting labing. Lumabas din siya sa entablado at pelikula, at nakilala sa kanyang pagganap sa Ama at Anak at Tayug (Ang Bayang Api). Nagtapos ng medisina si Manong, ngunit natagpuan niya ang kanyang linya sa paggawa ng pelikula.
Sa ngayo’y halos pitumpong pelikula na ang nagagawa ni Manong. Ang ila’y di lamang basta-basta pelikula – kundi mga klasikong pelikula. Kamangha-mangha ito, lalo na kung isasaalang-alang ang kondisyon ng paggawa ng pelikula sa ating bayan.
Back to Natatanging Gawad Urian